Aklan News
PRUSISYON, VISITA IGLESIA AT IBA PANG PARAAN NG PAGGUNITA NG SEMANA SANTA, KANSELADO SA PUBLIKO DAHIL SA COVID – 19
Inanusyo kahapon ni Most Rev. Jose Corazon T. Tala-oc ang mga magiging pagbabago sa paraan ng paggunita ng Semana Santa sa ginta ng banta ng COVID – 19.
Una na rito ay ang pagpapatigil ng pagdaraos ng pampublikong misa sa lahat ng simbahan at kapilya sa Diocese ng Kalibo simula Marso 17 hanggang Abril 15, 2020, kabilang na ang mga misa sa Semana Santa, Easter Triduum rites and practices, pati na ang mga fiesta.
Ang mga misa ay idaraos sa pribadong paraan kung saan piling tao lamang ang maaaring makadalo rito, kasama na ang mga miyembro ng media na magku-cover ng nasabing aktibidad.
Hindi man obligado ang mga mananampalataya na dumalo sa misa, hinihikayat naman sila na ipagpatuloy ang pag-oobserba ng Mahal na Araw sa kanilang tahimik na pamamaraan tulad ng pagbabasa ng bibliya, pagrorosaryo, pagninilay, at iba pa.
Para sa mga Katoliko na nais makapakinig ng misa, maaari silang makapanood sa pamamagitan ng live coverage ng mga radio at TV networks, pati na rin sa mga social media platforms tulad ng Facebook Live.
Samantala, magkakaroon din ng pagbabago ang pagsasagawa ng mga religious practices tuwing Semana Santa at Easter Triduum:
Kanselado ang mga kumpisalang bayan at mga Via Crucis na inorganisa ng mga komunidad. Ang mga prusisyon ng Biernes Dolores at Pasos ay suspendido rin.
Walang pagbabasbas ng palaspas ngunit ang bawat parokya ay bubuo ng sistema upang maipamahagi ang mga palaspas sa mga parishioners.
Sa Biernes Santo, ang Visita Iglesia at paggunita ng Last Supper sa mga bahay-bahay ay kanselado na rin.
Ang Adoration of the Blessed Sacrament ay lilimitahan sa ilang mga mananampalataya at maari lamang magtagal hanggang alas-8 ng gabi. Hindi rin papayagan ang paglalagay ng Altar of the Repose sa mga barangay churches at chapels.
Tulad ng mga misa, ang Siete Palabras ay maaaring mapanood ng madla sa pamamagitan ng radio, TV, at iba pang mga media platforms.
Kabilang sa mga suspendidong aktibidad ay ang Procession of the Pasos, Soledad, ang pampublikong selebrasyon ng Easter Vigil, at Encuentro o Salubong.
Pati ang mga pagsasagawa ng mga sacramento ay may mga magiging pagbabago:
Hindi na maaari ang sabayang pagpapabinyag. Pinapayagan ang isahan o pandalawahang pagbibinyag ngunit kailangang sundin ang itinatagubilin na social distancing. Hangga’t maaari ay ipinagpapaliban ang pagpapa-iskedyul ng mga binyag hanggang hindi pa humuhupa ang banta ng COVID – 19.
Lalagyan ng protective cloth ang mga kumpisalan at masugid na ipapatpad ang hygiene protocol.
Hinihikayat na i-postpone ang pagdaraos ng mga kasalan na nauna nang naiskedyul. Maaari lamang payagan ang pagtutuloy ng kasalan kung may mabigat na rason.
Sa sakramentong Anointing of the Sick, susundin umano ang rekomendasyon ng CBCP na: “We continue to minister to the sick by offering them the Sacrament of Annointing of the Sick but following the necessary precautions proposed by the DOH, in particular, the wearing of face masks.”
Ang mga misa sa libing naman ay maaaring payagan basta’t susundin lamang ang social distancing. Tanging ang mga malalapit na kamag-anak ang maaaring dumalo sa misa. Samantala, hindi naman papayagan ang pagdaraos ng misa sa mga lamay.
Ayon kay Bishop Tala-oc, ang buong Semana Santa ay iseselebra as it is, ngunit walang pagdalo ng publiko. Nanawagan siya sa kooperasyon mga mga taga-media upang maging accessible ang mga Eucharistic masses at mga Holy Week practices sa madla.
Nananawagan rin siya sa mga mananampalataya na sa panahon na ito ng krisis, manatili umano silang may pananalig sa Panginoon na Siyang patuloy na gumagabay at nagpapatatag ng ating pananampalataya sa kanya.