TODO Espesyal
2-anyos na pasyenteng gumaling sa COVID-19, yumuko bilang pasasalamat sa nurse na nag-alaga sa kanya
Naantig ang mga puso ng mga Chinese netizens sa isang larawan na nagpapakita ng isang 2 taong gulang na bata na yumuyuko sa isang nurse bilang pasasalamat sa pag-alaga sa kanya nang tamaan ito ng COVID-19.
Sumailalim sa pangangalaga ng isang ospital sa Shaoxing City, Zhejiang Province ang bata at nang gumaling ito at inihatid sa labas ng ospital ay yumuko ito kay Cao Lingling, ang nurse na nag-alaga sa kanya.
Kuha ang litrato ng kasamahan ni Cao at agad niya itong pi-nost online na umani ng maraming shares at positibong komento ukol sa respetong ipinakita ng pasyente sa mga doktor at medical staff na nagpapakita ng hindi matatawarang serbisyo sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
“Children, sometimes, express their emotions in a simple way but it can touch people. The bow speaks of the gratitude and the nurse’s response shows her responsibility,” komento ng isang netizen.
Nagpaalala umano ito sa mga tao ng larawan na kuha noong 1900s kung saan makikita si Dr. David Duncan Main, head of Hangzhou Guangji Hospital na nakayuko kaharap ng isang bata na yumuyuko rin sa kanya.
Sinabi naman ni Cao na parang mga sariling anak na nito ang kanyang mga pasyente.