Aklan News
Sangguniang Kabataan, may pa ‘MILK FOR ANGELS’ sa kanilang ka-Barangay
Makato, Aklan-Ngayong panahon ng krisis, marami ang mga magulang na hirap at nag-aalala sa pambili ng gatas ng kanilang mga anak dahil sa kawalan ng trabaho.
Kaya’t mapapa-sana all ka talaga, dahil sa Tugas hindi lang bigas at delata ang natanggap ng ilang residente kundi pati gatas para sa mga sanggol.
Makikita sa facebook post ni Geianne Arrah Tejada, SK chairman ng Tugas ang larawan ng kahon ng mga gatas na kanilang ipamimigay sa mga bata na tinawag niyang ‘Angels’.
Nakasaad sa post na nagtulong-tulong sila ng kanyang mga SK members sa pagtukoy ng mga benepisyaryo at brand ng gatas ng mga bata.
Nilinaw din ni Tejada na hindi galing sa Sangguniang Kabataan Fund ang pondong ginamit sa pamimili ng gatas kundi mula sa kanyang sariling bulsa.
Humingi rin ito ng paumanhin sa mga hindi mabibigyan dahil kaunti lang ang kanyang budget.
May 25 bata sa kanilang barangay ang mabibiyayaan ng libreng gatas.
“Sa mga nagtatanong po, nais ko lang po na linawin na hindi po ito galing sa Sangguniang Kabataan Fund po. Ito po ay galing sa sarili ko pong bulsa (konti lang po budget ko). Kaya po hindi po mabibigyan lahat at 25 babies lang po ang makakapag avail. Sana po ay maintindihan ninyo. Sorry po and I’m hoping for your understanding. God bless you po,” bahagi ng post ni Tejada.