Aklan News
LALAKENG SUSPECTED SA COVID 19 SA MALAY, NAMATAY
Malay, Aklan – NAMATAY AT SINUNOG agad sa crematorium sa Iloilo ang bangkay ng isang lalake na nakaranas ng Severe Acute Respiratory Infection.
Ayon sa Malay Anti-Covid Task Force, noong April 15, 12:00 ng tanghali, nakatanggap sila ng report mula sa Aklan Baptist Hospital na may natanggap silang pasyente na 26 taong gulang, lalaki, at nahihirapang huminga.
Sa pagsusuri ng Aklan Baptist Hospital, napag-alaman na ang pasyente ay may lagnat, isang linggo nang may ubo, at dalawang araw na ring nagtatae. Ngunit ang pasyente ay WALANG HISTORY OF TRAVEL o EXPOSURE SA COVID-19.
Base sa bagong classification ng COVID-19 na inilabas ng DOH, ang pasyente ay nabibilang sa SUSPECTED CASE C dahil mayroon siyang SEVERE ACUTE RESPIRATORY INFECTION na hindi matukoy ang kadahilanan o UNKNOWN CAUSE.
Dakong 1:45 ng hapon, ang pasyente ay dinala sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital (DRSTMH) sa Kalibo gamit ang ambulansyang nakatalaga para sa COVID-19. Dakong 5:21 ng hapon, ang mga kinatawan ng Aklan Provincial Health Office ay ipinaalam sa Malay IATF na pumanaw na ang pasyente.
Ang kanyang mga labi ay agad idinala sa crematorium sa Iloilo para i-cremate alinsunod sa protocol ng Department of Health (DOH).
Nang malaman na namatay na ang pasyente, ang Municipal Health Office (MHO) ng Malay ay nagsagawa kaagad ng imbestigasyon at CONTACT TRACING sa mga nakasalamuha ng pasyente. Ang IATF ay nakipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno para sa dagdag na tulong.
Lahat ng CLOSE CONTACTS ng pasyente, kasama na ang mga healthcare workers na rumesponde sa kanya ay inilagay na sa quarantine habang hinihintay ang resulta ng confirmatory result ng pumanaw na pasyente.