National News
Pamilyang nakatanggap ng P6,700 na ayuda, ginawang puhunan sa droga ang pera?
Arestado ang isang magkakaanak sa Quezon City dahil sa pagtutulak umano ng droga. Hinala ng pulisya, ipinampuhunan ng mga suspek ang natanggap na ayudang P6,700 sa pagtutulak ng droga kung saan nakumpiska sa kanila ang shabu na nagkakahalaga ng P34,000.
Ayon sa ulat nitong Martes, kinilala ang nadakip na suspek na si Elvie Flores, at mga anak niyang sina Angelito at Nathali, at ang kaniyang balae na si Raquel Bona.
Naaresto ang mga suspek nitong Lunes sa isang buy-bust operation sa Barangay Tatalon, sa harap ng umiiral na enhanced community quarantine.
Sina Elvie at Bona, parehong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, ay nakatanggap daw ng tig-isang P6,700. Hinihinala ng mga awtoridad na ginamit itong kapital ng mga suspek para makapagtulak ng droga.
Nakuha ng mga awtordidad sa mga suspek ang 13 pakete ng shabu na may street value na P34,000.
“‘Yong kaniyang anak, ginagamit na tagapag-abot ‘pag may bumibili ng droga. Siya ‘yong ginagamit na runner and then ‘yong kaniyang balae, base sa ating imbestigasyon ay gumagamit din o kumukuha,” ayon kay Police Captain Randy Llanderal, commander ng Quezon City Police District Station 11 Deputy Station.
Umamin naman si Elvie na tatlong taon na siyang nagbebenta ng ilegal na droga kasama ang kaniyang mga anak.
“Pinambubuhay ko po sa mga anak ko dahil wala po akong asawa,” paliwanag niya.
Sabi naman ng kaniyang anak na si Angelito, “Sa sobrang kahirapan po ng buhay kaya po namin nagagawa ‘yon.”
Samantala, itinanggi naman ni Bona na sangkot siya sa ilegal na transaksyon.
“‘Di ko po alam ‘yong transaksyon nila,” aniya.
Iginiit ng mga suspek na ipinambili nila ng pagkain ang natanggap nilang ayudang pera pero iba ang paniwala ng mga awtoridad.
“Ito ang ginagawa nilang puhunan and inamin naman nitong tao ‘di ba na talagang kanila, at ‘yan ang ginagawa nga na pambuhay sa kaniyang pamilya,” sabi ni Llanderal.
Mahaharap sa kaukulang reklamo ang mga suspek.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagamit umano sa droga ang perang ayuda na ibinibigay ng gobyerno para matulungan ang mga nagigipit habang umiiral sa ang ECQ.
Kamakailan sa Bacoor, Cavite, isang lalaki ang inaresto matapos mahulihan ng isang sachet na hinihinalang may shabu.
Pag-amin ng suspek, galing sa natanggap niyang P6,500 na Social Amelioration Program (SAP) ang ipinambili niya ng droga na halagang P150 para maging pampalakas niya sa pagtatrabaho bilang construction worker.
Article: GMA News