Aklan News
MGA AKLANON NA STRANDED SA KATABING PROBINSYA, MAAARI NANG MAKAUWI
Kalibo, Aklan – PAPAYAGAN na ni Aklan Governor Florencio Miraflores na makauwi sa Aklan ang mga Aklanon na na-stranded sa mga katabing probinsya.
Ngunit nilinaw ng gobernador na mula sa mga lugar lang na walang local transmission at General Community Quarantine na ang status ang kanilang papayagang makapasok sa Aklan border.
Ayon kay Governor Miraflores, kailangan lang na kumuha ang mga ito ng Health Certificate sa lugar kung saan sila nastranded, makipag ugnayan din sa kanilang kapitan at Mayor sa Aklan para sa Clearance na papayagan silang makauwi at masabihan sila kung may quarantine pang gagawin sa kanila pagdating.
Gagawa rin ng karagdagang guidelines at programa ang Provincial Inter Agency Task Force, kasama ang Provincial Health Office sa susunod na mga araw tungkol dito .
Samantala, hindi pa rin muna papayagang makauwi ang mga galing sa National Capital Region maliban sa mga Overseas Filipino Workers na dumaan sa masusing quarantine at COVID 19 testing sa pangangalaga ng OWWA.
Maliban dito ay wala rin naman silang masasakyan dahil wala pang commercial flights at pampasaherong barko na manggagaling sa Manila.
Kaya hinihikayat nya na lang muna na hintayin na lang na matapos ang Enhanced Community Quarantine sa NCR hanggang May 15 dahil baka bumaba na rin ito sa GCQ.