Negros News
1st BATCH RETURNING RESIDENTS, NAKAUWI NA SA BACOLOD
DUMATING na kahapon, Mayo 5, 2020, sa Bacolod ang 9 na returning residents na na-stranded sa syudad ng Iloilo.
Kabilang dito ang walong estudyante ng UP-Visayas at isang doctor na nagta-trabaho sa isang pribadong ospital sa Bacolod. Ayon kay Councilor Cindy Rojas, chairman ng Action Team on Returning Residents, isasailalim sa 14-day mandatory quarantine ang walong estudyante sa Mariano G. Medalla Integrated School sa Brgy. Pahanocoy, Bacolod City habang ang doktor ay isasailalim sa 14-day quarantine sa South Hills Academy sa Brgy. Alijis, Bacolod City o sa quarantine center para sa mga medical health workers.
Dagdag pa nito, kukunan ng swab specimen ang mga returning residents sa ika-apat o ikalimang araw ng kanilang quarantine para ma-monitor ang kanilang estado.
Magtatalaga naman ng anim na pulis si Bacolod City Police Office (BCPO) Operations Chief Police Lt. Col. Lester Leada upang salitan ang pagbabantay sa palibot ng quarantine center sa Brgy. Pahanocoy kung saan naka-quarantine ang walong esudyante.
Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng operasyon ng Bacolod para sa mahigit isangdaan pang mga na-stranded na Bacolodhon sa iba’t-ibang lugar sa bansa.