Connect with us

National News

Mahigit 100 LGUs, nakumpleto na ang SAP distribution

Published

on

Mahigit sa 100 na mga Local Government Units (LGUs) na ang nakakumpleto ng kanilang distribusyon ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program ng DSWD.

Ayon kay DSWD Regional Dir. Evelyn Macapobre, nasa 102 LGUs na ang nakapagtapos ng SAP payout hanggang kahapon.

Ito at kinabibilangan ng 26 LGUs ng Negros Occidental, 21 LGUs ng Iloilo, 17 LGUs ng Antique, 14 LGUs ng Capiz, 13 LGUs ng Aklan at 5 LGUs ng Guimaras.

Maliban sa mga nabanggit na mga LGUs may 6 pang LGUs ang nakakumpleto ng payout subalit mas mababa ang numero ng mga nakatanggap na beneficiaries kumpara sa kanilang target.

Ito ay ang mga LGUs ng Dingle at Badiangan sa Iloilo, Ivisan at Dumalag sa Capiz, Victoria’s City sa Negros Occ. At Makato sa Aklan.

Pinuri naman ni Macapobre ang mga LGUs na mabilis na naka 100% payout. Ibig sabihin lamang umano nito ang totoong malasakit sa mga tao sa panahon ng krisis.

Ayon Pa kay Macapobre na karamihan sa natitirang 31 LGUs na Hindi Pa natatapos ay malapit na ring makakumpleto ng distribusyon.

Ang mga LGUs na may on-going payout ay ang 21 bayan sa Iloilo, 5 sa Negros Occidental, 3 sa Aklan at tig isa sa Capiz at Antique.

Pinaalala rin ni Macapobre na binibigyan lamang ang lahat ng mga LGUs ng hanggang ngayong araw Mayo 27 para tapusin ang SAP distribution.

Umaabot na sa 1,114,936 family beneficiaries na non-Pantawid Pamilyang Pilipino Program members ang nakatanggap ng P6000 cash assistance o 96.63% ng non-Pantawid beneficiaries na target sa rehiyon.

Sa kabuuan may P6,689,616,000 SAP assistance na ang naipamigay ng ahensya.

Maliban sa non-Pantawid beneficiaries, may total na 320,354 Pantawid families na rin ang nakatanggap ng SAP assistance mula sa DSWD na nagkakahalaga ng P1,489,646,100 hanggang ngayong Mayo.