Connect with us

National News

Senate inquiry sa mga pagpaslang sa Negros, gagawin ngayong araw

Published

on

Photo: (House of Representatives file; Seal of the Philippines Senate)

Gagawin ngayong araw ang pagdinig ng Senado tungkol sa mga kaso ng pamamaslang sa Negros province nitong mga nakalipas na buwan.

Pangungunahan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang naturang pagdinig katuwang ang Committee on Justice and Human Rights.

Matatandaang nitong Hulyo, higit dalawampung indibidwal ang sunod-sunod na pinaslang sa Negros province, kabilang na ang apat na pulis at ilang sibilyan.

Pangunahing tatalakayin sa senate inquiry ang Senate Resolution 47, na layong maibigay sa mga biktima ang hustisyang nararapat sa kanila gayundin ang matukoy ng mga otoridad ang sanhi ng kaguluhan sa probinsya.

Tatalakayin rin ang Senate Resolution 65, na layon namang silipin ang implementasyon ng Memorandum Order 32 o ang “oplan sauron”.

Sa ilalim nito, ipinag-utos ang deployment ng karagdagang pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa siyam na probinsya ng Samar, Negros Oriental, Negros Occidental at sa Bicol Region, upang tugunan ang lawless violence at acts of terror doon.

Bukod kay Senador Dela Rosa, inaasahan rin sa pagdinig mamaya si Senadora Risa Hontiveros at ang mga kinatawan ng Department of Justice (DOJ), Commission on Human Rights (CHR), AFP, PNP, mga human rights group, ang gobernador at mayor ng Negros Oriental, at ang pamilya ng mga biktima.

Source: http://www.radyopilipinas.ph/rp-one/articles/national/senate-inquiry-sa-mga-pagpaslang-sa-negros-gagawin-ngayong-araw

Via l Nimfa Asuncion