Aklan News
TAUHAN NG SINDIKATONG NAGTITINDA NG PEKENG SIGARILYO, NASAKOTE SA KALIBO
Kalibo – Nasabat sa joint operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng Provincial Intelligence Division ang 70 ream ng pekeng sigarilyo sa may C. Quimpo Street, Brgy. Poblacion, Kalibo.
Pinangunahan ni CIDG team leader PSsgt. Cezar Lamboon at PMaj. Bernard Ufano, PMSgt. Regan Sotto, PSsgt. Daggy Sunajo ng Prov.Intelligence Division ang paghuli sa hinihinalang supplier ng pekeng Mighty cigarette kahapon.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang naturang suspek ay kinilalang si Roberto Agustin, 51 anyos ng New Washington, Aklan.
Isinalaysay ng CIDG na may humingi ng tulong sa kanila mula sa Brgy. Jalas, New Washington, na siyang nagsilbing daan upang mahuli ang naturang suspek.
Ayon sa kanya, binentahan siya ng sigarilyo ng naturang suspek at sa bandaang huli kinumpirma ng Mighty Corporation na peke ang naturang sigarilyo.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines ang suspek na si Agustin na kasalukuyang nakapiit sa Kalibo PNP.