Connect with us

Capiz News

Misting, chemical spraying kontra COVID-19 gustong ipagbawal sa Roxas City

Published

on

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panglungsod ng Roxas City ang ordinansa na nagbabawal sa chemical spraying at misting sa mga establisyemento dito sa lungsod.

Saad ng may-akda na si Konsehal Cesar Yap, Chairman ng Committee on Health, Nutrition and Sanitation, ang spraying ng kemikal at misting ay maaring magdulot ng panganib gaya ng iritasyon sa balat, lung cancer at maging pagkamatay.

Inilahad ng konsehal-doktor ang insidente ng pagkamatay ng isang doctor-police sa Maynila na si PCapt. Casey Gutierrez na nakalanghap umano ng disinfectant kasunod ang decontamination sa kaniya noong Mayo 30.

Ang insidente aniya na ito ay isang babala para ipagbawal na ang nasabing gawain pangontra virus.

Sinabi pa ng opisyal na naglabas ng Memorandum 2020-0157 ang Department of Health na nagsasabing ang misting ay walang ebidensiya na ligtas at mainam para puksain ang pagkalat ng COVID-19.

Dagdag pa ng konsehal na naglabas ng advisory ang Department of Interior and Local Government noon pang Abril 18 na nagbabawal sa mga lokal na pamahalaan sa paggamit ng disinfection tent, misting chambers o sanitation booths.

Kapag naging ganap na ordinansa, papatawan ng kaukulang penalidad ang sinomang lalabag rito.

Pinag-aaralan pa sa ngayon ng konseho ang nasabing batas.

Photo: Roxas City Communication Group / March 2020

Continue Reading