Connect with us

Aklan News

LALAKING SANGKOT SA PAGBIBENTA NG PEKENG SIGARILYO, ARESTADO

Published

on

Altavas — Arestado sa isang entrapment operation bandang alas 5:00 kahapon ng hapon sa Poblacion, Altavas ang isang lalaking sangkot umano sa pagbibenta ng pekeng sigarilyo.

Minarapat ng Altavas PNP na huwag nang pangalanan ang 22 anyos na suspek na taga Lapaz, Iloilo City, maging ang babaeng una na rin pala nilang nabentahan ng pekeng sigarilyo.

Base sa report ng Altavas PNP, nag-ugat ang entrapment operation kahapon nang magreport ang biktimang babae na nabentahan siya ng grupo ng mga suspek nitong nakaraang July 2, 2020 ng mga pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng P19,000.00.

Base pa sa sumbong ng babae, nagulat na lamang siya sa natuklasang mga peke ang naibenta sa kanya nang dumating nitong nakaraang July 10, Sabado, ang dalawang lehitimong ahente ng JTI Inc. upang magdeliver sa kanya ng sigarilyo.

Tinanggihan umano ito ng biktima, at sinabing nakabili na siya mula sa 3 kataong nagdeliver sa kanya nitong nakaraang July 2. Dahil dito, tiningnan umano ng mga ahente ng JTI Inc. ang resibong ibinigay ng mga suspek sa biktima maging ang mga nabiling sigarilyo, at doon natuklasang peke ang mga ito.

Kasunod nito, kinumbinsi umano ng mga pulis ang biktima na makipagtransaksyon sa mga suspek, hanggang sa bumalik ang mga ito kahapon.

Kaagad din umanong pasekretong tumawag sa Altavas PNP ang biktima, rason na ikinasa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa nasabing suspek na nagpakilala pa umanong taga JTI Inc.

Narekober mula sa kanya ang P2, 1400.00 na may kasamang boodle money kapalit ng 3 rim ng sigarilyo.

Subali’t walang narekober na mga sigarilyo at hindi rin nahuli ang 4 pang kasama ng suspek dahil nasa 200 metro ang layo ng kanilang puting van mula sa mga pulis na nagsasagawa ng entrapment operation.

Bandang alas 7:00 naman kagabi nang makumpirma ng Altavas PNP mula sa JTI Inc. na hindi nila tauhan ang naarestong lalaki.

Samantala, kaagad namang ikinustodiya sa Altavas PNP ang suspek habang inihahanda ang kasong Syndicated Estafa na isasampa laban sa kanya.