National News
10-30 araw kulong sa ‘di magsusuot ng face mask – DILG Sec. Año
NAGBABALA si DILG Secretary Eduardo Año na maaaring makulong ng 10 hanggang 30 araw ang sinumang indibidwal na mahuhuling walang suot na face mask sa labas ng tahanan.
Sa isang press conference nitong Miyerkoles, sinabi ni Año na nakipagpulong siya sa mga local chief executives para pag-usapan ang pagkakaroon ng iisang polisiya sa pagpaparusa sa mga lumalabag sa quarantine protocols.
“Magkakaroon na kami ng uniform implementation kung papaano ipapatupad ‘yung health standards… number of days in prison kapag nag-violate ka ng hindi pagsuot ng mask. We suggest 10 to 30 days, physical distancing also 10 to 30 days imprisonment,” sabi ni Año.
Maaari naman na umabot ang multa mula P1,000 hanggang P5,000.
“Kung ikaw naman ay ipa-fine, it’s about P1,000 to P5,000. So ‘yan ‘yung magiging uniform implementation natin,” dagdag pa ni Año.
Unang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga otoridad na arestuhin at ikulong ang sinumang hindi magsusuot ng face mask ngayong may COVID-19 pandemic.