Aklan News
4 AT 2 MENOR DE EDAD, TIKLO SA ILEGAL NA PANGINGISDA
Batan — Apat na mangingisda at 2 pang minor de edad ang hinuli ng Batan PNP alas 12:30 kaninang hapon dahil sa ilegal na pangingisda sa karagatang sakop ng Tabon, Batan.
Bagama’t hindi na pinangalanan, sinabi ng Batan PNP na pawang mga taga Ochando, New Washington Aklan ang mga nasabing mangingisda.
Ayon pa sa mga pulis, matagal na umanong inirereklamo ng mga taga Tabon, Batan ang ilegal na pangingisda ng nasabing grupo dahil wala na umanong huling isda ang kanilang ‘taba’ o fish cage.
Subali’t naaktuhan din umano sila kanina ng mga otoridad habang nangingisda sa lugar, rason na nakumpiska sa kanila ang tatlong maliliit na bangka, lambat at humigit-kumulang 5 kilong isda.
Kaagad silang pinagmulta ng P2,500.00 bawat isa maliban sa 2 menor de edad dahil sa partikular nilang paglabag sa Municipal Ordinance 2006-03 ng Batan o Illegal na pangingisda sa karagatang hindi nila sakop.
Ayon pa sa Batan PNP, pawang hindi sila nakabayad ng multa, kung kaya’t pansamantalang ikinustodiya ng Batan PNP ang kanilang bangka.
Nabatid na nahuli ang mga nasabing mangingisda dahil sa joint operation ng Bantay-Dagat at Batan PNP.