Aklan News
Mga manggagawa sa ‘tourism sector’ ng Boracay, regular dapat na i-swab test – DOLE
Required nang sumailalim sa regular na RT–PCR test ang mga manggagawa sa ilang sektor sa paggawa ayon sa Labor department nitong Linggo.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nakapaloob ito sa Joint Memorandum Circular No. 20-04 series of 2020 o Supplemental Guidelines on Workplace Prevention and Control of COVID-19 ng Department of Trade and Industry (DTI) at DOLE.
Laman ng panuntunan na dapat isailalim kada buwan ang mga manggagawa na nasa ‘hospitality and tourism sector’ sa Boracay, El Nido, Coron, Panglao, Siargao at iba pang destinasyon ng turismo na tinukoy ng Department of Tourism (DOT).
Kada quarter naman dapat ang testing sa mga empleyado sa manufacturing companies at public service providers sa economic zones na nasa special concern areas.
Kabilang din sa mga dapat magpasailalim sa tests ang mga nagtatrabaho sa palengke, non-food retail, construction, water supply, sewerage, waste management, at maging sa media.
Saad ni Bello, walang dapat gastusin ang mga empleyado sa gagawing test.
“The COVID-19 testing must be at no cost to the employees,” lahad ni Bello.
Nakasaad rin sa nasabing guidelines ang mandatory na pagsusuot ng face mask at face shield pati na ang disinfection ng pook-gawaan at shuttle services.