Aklan News
Lumobong bill ng tubig sa Fatima, dahil sa maanomalyang kontrata ng JEMA Water Works at MKWD?
Naging dagdag sa pasanin ngayon ng mga taga Fatima, New Washington ang lumulubo nilang bayarin sa tubig dahil umano sa mataas na singil ng JEMA Water Works.
Wika ni Atty. Ariel Gepty, Chairman of the Board ng Metro Kalibo Water District (MKWD), natuklasan lang nila ang kontrata sa gitna ng MKWD at JEMA Water Works nang magtanong sa opisina ng kanilang acting General Manager ang isang kunsumer ukol sa mataas na singil.
Inimbestigahan nila ito at pinahanap ang mga papeles kung bakit nagsusupply ng tubig ang MKWD sa JEMA Water Works at natuklasan ang isang kontrata sa pagitan nito na nilagdaan ni dating General manager Atty. Edmund Peralta.
Giit nito na wala siyang alam ukol sa nasabing kontrata dahil hindi naman ito dumaan sa mga Board of Directors.
Base sa umano sa kontrata, nagsusupply ang JEMA Water Works ng tubig mula sa MKWD sa Brgy. Fatima, New Washington partikular sa mga nainirahan sa pabahay na tinayo ng National Housing Authority (NHA).
Ang residential rate ng tubig mula sa MKWD ay nasa 20.50 per cubic meter lang pero binebenta ito ng JEMA Water Works sa rate na 24 per cubic meter kaya nagiging dagdag pasanin sa mga kunsumidor.
Pinag-aaralan pa ngayon ng board of directors kung dapat na iterminate ang naturang kontrata at i-disconnect ang JEMA Water Works sa kanilang distribution line.