National News
P10 bilyong pang-ayuda mula sa pondo ng SAP, hindi naipamigay ng DSWD
MAYROON pang P10 bilyong pang-ayuda mula sa pondo ng Social Amelioration Program (SAP) na hindi pa naipamigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang naturang pondo ay ayuda para sa mga mahihirap na Filipino sa ilalim ng Bayanihan Law.
Batay sa DWSD sa isinagawang budget hearing sa Senado, naipon ang nasabing pondo dahil sa “double compensation”.
Anila, nangyari ito nang mabawasan umano ng apat na milyon ang mga nakatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 cash aid sa SAP.
Nadismaya naman ang mga senador nang malaman na mayroon pang P10 bilyong pondo na hindi pa naipamigay.
Ayon pa kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, taliwas sa hangarin ng gobyerno ang ginawa DSWD, aniya nais pasiglahin ng pamahalaan ang ekonomiya sa harap ng pandemya.
“The DSWD should give the P10 billion to the poor which did not receive the second tranche of SAP. Huwag po nating tipirin ang tulong natin sa ating mga kababayan,” saad ni Drilon.
Pahayag naman ni Sen. Sonny Angara, chairman ng finance committee, umaasa siyang kaagad na kikilos ang DSWD para ipamigay ang naturang pondo sa mga nangangailangan.
Samantala, paliwanag ng DSWD, isinusulong nila na gamitin ang P10 billion “savings” bilang P15,000 livelihood assistance sa mga small-time vendors at store owners.