National News
Medevac plane, bumagsak sa Calamba City; 9 patay
Patay ang siyam na katao matapos bumagsak sa isang resort sa Barangay Pansol, Calamba City, Laguna ang isang Medevac plane noong ika-1 ng Setyembre 2019.
Ayon sa inisyal na ulat ng Laguna Police Provincial Office, dakong alas- 3:34 ng kahapon ng hapon nang makatanggap sila ng report tungkol sa bumagsak na eroplano.
Ayon sa mga testigo, napansin nilang umuusok ang eroplano na patungo sa direksyon ng Mount Makiling. Tinangka pa umanong ibalik ng piloto buhat sa kanyang pinanggalingan subalit nag-crash na ito sa Agojo Private resort sa Mimorante Subdivision.
Ang nasabing eroplano ay isang medical evacuation aircraft na, ayon sa police report, ay may lulang pasyente mula Dipolog City, Zamboanga Del Norte at dadalhin sana sa Metro Metro Manila upang ipagamot.
Sinabi naman ni Eric Apolonio, spokesman ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP, na ang medevac na may plakang RPC 2296 ay iniulat na nawawala mula pa nung alas-tres ng hapon kahapon ng Linggo.
Kinilala ang mga nasawi na sakay ng eroplano na sina Captain Jesus Hernandez (piloto); First Officer Lino Cruz Jr. (co-pilot); Dr. Garret Garcia, mga nars na sina Kirk Eoin Badiola, Yamato Togawa; Ryx Gil Laput; Raymond Bulacja; ang pasyenteng si Tom Carr; at ang misis nitong si Erma Carr.
Samantala, isinugod rin sa pagamutan ang mga nasugatan nang bumagsak ang eroplano sa resort. Kinilala ang mga sugatan na sina John Ray Roca, 19, at Malou Roca, 49. Nagkaroon ng first-degree burn si Malou sa braso habang si John Ray naman nakaranas ng second-degree burn sa sa mukha at first-degree burn sa parehong binti. Sila ay mag-ina at nagtatrabaho sa resort bilang caretakers.