Capiz News
Planong pagtatayo ng Roxas City Hospital pinasisimulan na


Nais nang pasimulan ni Konsehal Cesar Yap ang planong pagtatayo ng Roxas City Hospital sa pamamagitan ng pagbuo ng Technical Working Group.
Kaugnay rito, isang resolusyon ang isinusulong ng konsehal na naglalayong bumuo ng working group na mag-aaral sa planong pagtatayo ng ospital sa lungsod.
Sa kaniyang privilege speech nitong Martes sa regular session ng Sanggunian, sinabi ni Yap na napapanahon ang hakbang na ito dahil sa nararanasang pandemiya.
Inilahad ng konsehal na kulang ang hospital dito sa probinsiya. Layon aniya ng pagkakaroon ng ospital sa lungsod ang mapa-unlad pa ang kalidad ng kalusugan dito.
Pahayag pa ng chairman ng Committee on Health, ang pagbuo ng Technical Working Group ay unang hakbang para maisakatuparan ng planong ito.
Ipinakita ni Dr. Yap ang perspective ng hospital sa miyembro ng Sanggunian. Aniya, sa pag-upo palang ni Mayor Ronnie Dadivas ay nabanggit na nito ang nasabing plano.
Pag-aaralan aniya ng Technical Working Group ang iba-ibang aspeto sa pagtatayo ng ospital kabilang rito kung saan kukunin ang pondo sa pagtatayo at ang lokasyon.