Aklan News
CONG ERIC YAP, PERSONAL NA NAGTUNGO SA BORACAY PARA SA BIDA BILL NA KANILANG IPAPASA SA KONGRESO
Bago sumabak sa plenaryo ng Kamara, personal na nagtungo sa Boracay si ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go Yap para magkaroon ng dagdag na kaalaman ukol sa sitwasyon sa isla.
Si Yap ang principal co-author ni Cong Paolo Duterte sa isinusulong na Boracay Island Development Authority (BIDA) at Vice Chairman ng Committee on Government Enterprises and Privatization na syang may hawak ngayon ng BIDA bills.
Kamakailan ay inaprobahan na nila sa komite ang proposed house bill at nakatakda nang isumite ang report sa plenaryo ngayong linggo kaya minabuti ni Cong. Yap na personal na pumunta sa isla.
Pahayag ni Yap sa panayam ng Radyo Todo, nakita niya ang kakulangan pa ng pondo sa Boracay sa loob ng isang araw na pagbisita nito.
Si Cong. Yap din ang Chairman ng Committee on Appropriations.
Ayon sa kongresista, sa oras na maging batas ang BIDA Bill ay maaari pang lagyan ng dagdag na pondo ang isla para tuloy-tuloy ang pagpapaganda nito.
“Nakita natin yung ginawa ng DENR, napakaganda sa loob. May mga kalsada, may mga pavement na, pero napansin ko bandang dulo ay pintura nalang at red oxide nalang at semento nalang ang ginamit imbes na pavement. Ibig sabihin nito, kapos na ang pondo ng DENR. Ang mahalaga dito pag nagawa ang BIDA bill at naging BIDA law na, lalagyan ito ng pondo para mag kick start ang Boracay development projects at programs.”
Muling iginiit nito na dapat ipreserba ang mga pinaghirapan ng National Governement sa isla, “Pag nawala ang Boracay, pagnasira ang Boracay, hindi na po tayo makakakita ng ganito sa buong mundo.”
Pinakinggan din nito ang mga hinaing ng mga stakeholders ukol sa mga problema sa titulo ng lupa at iba pa.
“Pag-aaralan at aalamin natin kung ano na ang nangyari sa planong pagpapatitulo ng mga lupa sa Boracay kung bakit ito hininto ng nakaraang administrasyon”, dagdag ni Yap.
Kaugnay nito, kampante si Yap na maipapasa sa kongreso ang isinusulong na BIDA Bill, ito ay dahil sa mahigit 200 congressman ang nag co-sponsor ng nasabing House Bill. Gayunpaman, kailangan pa nitong asikasuhin ang senado.
“Pagdating sa kongreso, I’m very very confident na maipapasa natin ito. Pero pagdating sa Senado, kailangang lakarin rin ito sa mga Senador. Talagang hindi po ako magpapahinga, kung kinakailangan liparin ko pabalik-balik ang Boracay para lang po madepensahan sa Senado ay gagawin ko po na walang pag-aalinlangan”, saad pa nya.
Target ng kongresista na maipasa sa Kamara ang BIDA Bill bago mag recess sa December 16, 2020, at agad na ipapasa sa Senado para maisama sa Senate Bills nila Senator Franklin Drilon at Senator Cynthia Villar na nasa Committee on Tourism kung saan Chairman si Senator Nancy Binay.
Gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na maisabatas na ito bago pa man mag expire ang term ng Boracay Inter-Agency Task Force sa May, 2021.