Aklan News
Gov. Miraflores, matagumpay na naihatid ang kanyang #SOCHA2020 sa new normal
Matagumpay na naghatid mensahe si Governor Florencio Miraflores para sa State of the Children Address #(SOCHA)2020 ngayong araw, ika-25 ng Nobyembre 2020.
Sa patuloy na pagharap ng probinsya sa pandemya, mas pinaigting pa ng lokal na pamahalaan ang pagresponde sa mga pangangailangan ng mamamayan lalo na ng mga kabataan.
Sa kanyang SOCHA, binigyang diin ng gobernador ang pagtaguyod sa mga pangunahing pangangailangan at mental health ng mga kabataan. Inilahad ni Miraflores ang mga isinagawang hakbang ng pamahalaan para makamit ito.
Mas napabuti na ang health sector dahil sa pag-invest sa mga kagamitan sa ospital at training sa mga health care providers, pagtatag ng Adolescent Health and Development program, Rabies Prevention and Control Program at pagpapanatili ng Barangay Nutrition Scholars.
Para naman sa CoViD-19 related response, mabilis na nakapagtayo ng sariling molecular laboratory ang Aklan sa DRSTMH at patuloy ang pagsasagawa ng COVID-19 surveillance lalo na at may 10 cases na ng mga kabataang nasa edad 1-10 at 16 cases ng mga nasa edad 11-20 na COVID positive.
Kaliwat-kanan din ang mga ginagawang hakbang para sa pagtaas ng mental health awareness lalo na ngayong may pandemya. Inilunsad din ang Pagtatap para sa mental health ng mga PGA employees.
Sinimulan na rin ang Children’s Hour nitong ika-4 ng Nobyembre, layon nitong maabot ang lahat ng mga nakatutok sa radyo, telebisyon at social media lalo na ang mga nasa bahay na sumali sa mga diskusyon at importanteng impormasyon hinggil sa mga kabataan.
Binuksan naman ang Aklan Youth Center (AYC) para maprotektahan ang mga CICLs o Children in Conflict with the Law. Ang AYC ay pinondohan ng lokal na pamahalaan at nasa level 1 sa accreditation ng DSWD Standards Bureau.
Napagbuti rin ang education sector dahil nakapag adjust na ang sistema ng edukasyon sa new normal, tumaas ang enrollment sa mga public schools ng 101% at bumaba ng 75% sa mga pribadong paaralan kaya mas pinaigting ang remedial classes at implementasyon ng Happy School Project. Bukod dito, patuloy din ang pagsuporta sa mga children with disability.
Naglagak ang gobyerno ng P75 milyong pondo sa ilalim ng Provincial Local School Board para sa 2020, binubuo ito ng 16 na guro.