Aklan News
Halloween party sa Boracay iniimbestigahan na ng DOT; Puyat, tinawag itong ‘Iresponsable’
PINAIIMBESTIGAHAN na ng Department of Tourism (DOT) ang naganap na Halloween party sa Boracay sa gitna ng pandemya.
Tinawag na ‘iresponsable’ ni Tourism Sec. Bernadette Puyat ang nangyaring mass gathering na makikitang lumabag sa health protocols: hindi nasunod ang social distancing at walang face mask ang mga dumalo sa naturang party.
Sa press statement sinabi ni Puyat na ginanap ang mass gathering sa Casa de Arte, isang pribadong establisimiyento, sa Sitio Cagban, Barangay Manoc-Manoc sa Boracay noong Oktubre 31.
Nanawagan din ang kalihim na sa local government units (LGUs) na maging responsable sa muling pagbubukas.
“We are appealing to our LGUs to please cooperate with us in the safe and responsible reopening of our tourist destinations,” saad ni Puyat.
“The jobs and livelihoods that were recently restored in these sites will be affected once again if an outbreak occurs in the area due to the LGU’s negligence,” dagdag pa nito.
Ayon naman kay Mayor Frolibar Bautista, pinagmulta na ng ₱5,000 ang mga organizers ng party dahil sa insidente.
“Base sa investigation, meron kasing mga organizer na dinala dun sa private house at dun sila nag-party nung Halloween. Di agad nakita kasi nasa area na malayo sa beach kaya hindi siya masyadong makikita,” ani Bautista.
Samantala, sasampahan din ng kaso ang dalawang foreigners na nagsuot ng uniporme ng Philippine National Police sa party dahil sa paglabag sa Article 179 of the Revised Penal Code (Illegal Use of Uniform).