Aklan News
DOT Chief Puyat sa mayor ng Malay: Seryosohin naman ang COVID
LILIPAD ngayon patungong Boracay si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat para siguruhin na sineseryoso ng mayor ang COVID-19 sa isla lalo na ngayong magpapasko na.
“The number of people going to Boracay is not as many as before, pero ngayong Christmas dadami yan. I have to be assured by the mayor na seryosohin naman niya ito, na there is still COVID,” saad ni Puyat.
Lahad ng kalihim, isa rin sa magiging agenda niya sa pagkikita nila ni mayor ang nangyaring Halloween party na nakitaan ng maraming COVID violations.
Isang buwan lang matapos buksan ang isla mula ng isara dahil sa pandemya, naiulat ang nangyaring Halloween party noong Oktubre 31 na sinasabing lumabag sa coronavirus disease (COVID-19) health protocols.
Una ng sinabi ni Puyat na nagpabaya ang lokal na pamahalaan sa Boracay sa pagmo-monitor sa isla sa pagsunod sa mga health protocols.
Idiniin ni Puyat na kailangan na maging mahigpit sa Boracay lalo na at marami ang nakaabang dito, “We have to be quite strict with regard to Boracay because the world is watching Boracay and that is the gauge if the Philippines can handle tourism.”
Nabanggit din ng kalihim na dapat nang ipagbawal ang inuman dahil nawawala na ang physical distancing lalo na kapag lasing.
“Kailangan we really have to be careful with Boracay na mapanatili na zero ang COVID cases and the mayor should really step up,” dagdag pa niya.