National News
TOROTOT AT PITO BAWAL NGAYONG BAGONG TAON: ‘KAILANGAN NAKA-MASK PA RIN’ — DOH
MALIBAN SA PAPUTOK, IPINAGBABAWAL ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng “torotot” o kahit “pito” sa pagsalubong ng Bagong Taon.
“Maliban sa paputok, iwasan din natin ang mga paggamit ng mga torotot at mga katulad nito upang mapigilan natin ang posibleng pagkakahawa sa COVID-19 at iba pang sakit,” ito ang pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III sa press briefing.
Ayon naman kay DOH Undersecretary Myrna Cabotaje, dapat naka-face mask pa rin ang publiko kahit nagme-merry making sa Pasko at Bagong Taon.
“Huwag po tayong gagamit ng pampaingay na gumagamit sa bibig that will cause the tranfer of saliva,” saad ni Cabotaje.
“So ‘yung mga pito (whistle), ‘yung mga torotot, bawal po ngayon ‘yan. Kailangan naka-mask pa rin at nagsosocial distancing,” dagdag pa nito.
Samantala nagbigay naman ang DOH ng “Pitong Patok na Alternatibo sa Paputok” ngayong Bagong Taon.
– Pagpukpok ng kaldero
– Pagpalo sa tambol
– Pagbusina
– Pag-alog ng alkansya
– Pagkumpas ng tambourine
– Pagpapatugtog ng malakas
– Pagpapa-ilaw ng glow sticks