Connect with us

Aklan News

OMBUDSMAN INUTUSANG SUMAGOT ANG 26 AKUSADO SA KASO NG ILEGAL NA PPP AGREEMENT NG LGU, ECOS

Published

on

Ang sinasabing MRF site sa Brgy. Manoc-Manoc na ginawa ng tambakan ng ECOS ng gravel and sand sa halip na tambakan lamang ng mga basurang nanggagaling sa Boracay Island.

BORACAY ISLAND—Ito na nga ba ang hustisya na pinakaaasam-asam ng karamihan?

Maaaring ito na nga ang mangyayari pagkatapos na utusan ng Ombudsman ang 26 na akusado—dati at mga kasalukuyang halal na opisyales ng Malay, Aklan kasama ng ilang pinuno ng isang pribadong hauling company—na mag-sumite ng kanilang counter-affidavit sa nasabing tanggapan matapos nakakita ito ng sapat na batayan upang ituloy ang pagsasampa ng kriminal at administratibo na kaso laban sa kanila.

Nakatala bilang OMB-V-C-200099 at OMB-V-A-20-0114, ang pag-uutos ay nagmula sa mga kasong graft and corruption, plunder, at charges relative to environmental violations na isinampa ng Boracay-based investigative journalist na si Noel Cabobos.

Ang mga kaso ay isinumite matapos ng isang malawakang pag-iimbestiga sa ma-anomaliyang “public-private partnership” sa pagitan ng Municipality of Malay at ECOS, isang pribadong hauling company, sa pagkuha at pagma-manage ng solid waste ng nasabing bayan, kasama na rin ang pagpapatakbo at operasyon ng sanitary landfill doon.

Hinding-hindi malilimutan ng mga turista ganon din ng mga Boracaynons ang mga kalsadang ginawa ng tambakan ng mga basura bagaman napakalaki at umaabot sa milyones ang ibinabayad ng LGU ng Malay sa ECOS buwan-buwan.

Matatandaan na si Cabobos, editor ng Boracay Informer at pinuno ng anti-corruption advocacy group na BawalAngKorap, ay nagsampa ng kaso noong ika-4 ng Pebrero ngayong taon laban kina dating Malay mayor Ceciron Cawalang, dating vice-mayor Abram Sualog, at mga kasapi ng Sangguniang Bayan na sina Frolibar Bautista, Dante Pagsuguiron, Jupiter Aeldred Gallenero, Lloyd Maming, Maylynn Graf, Danilo Delos Santos, Julieta Aron, Natalie Padares, at Daligdig Sumdad.

Kasama rin sa mga nakasuhan ang mga kasalukuyang opisyales ng Malay na sina acting vice mayor Niño Carlos Cawaling at mga kasalukuyang mga miyembro ng konseho na sila Nickie Cahilig, Junthir Flores, Ralf Tolosa at Christine Hope Pagsuguiron.

Dagdag pa sa mga kinasuhan sa pagpapasa ng sinasabing ilegal na kontrata sina Executive Assistant IV Edgardo Sancho, Municipal Legal Officer Melanio Prado, Jr., Municipal Treasurer Dediosa Dioso, Municipal Accountant Herminigildo Javier, Jr., at Municipal Budget Officer Anneli Sespeñe.

Samantala, kasama rin sa mga akusado ang mga incorporator ng ECOS na sina Oliver Zamora, Richard Chan Lek, Miguel Anthony Tiu, Corazon Zamora, at Christine Aldeguer.

ANG SUMBONG
Ang naturang kaso ay nagmula sa pagpapasa ng Public-Private Partnership sa pagitan ng munisipyo ng Malay at ECOS na ayon mismo kay Cabobos ay “puno ng mga depekto at mabigat na mga probisyon na labag sa batas at laban sa interes ng gobyerno at ng mga mamamayan ng Malay.”

Ibinahagi din ni Cabobos ang mga resulta ng ginawang pag-audit ng Commission on Audit na, aniya, ay nagpapatunay na binaluktot ang kahulugan ng Public-Private Partnership para i-akma sa interes ng mga mga akusado upang sila ay kumita.

Bilang patunay, ipinakita ni Cabobos ang COA Audit Report noong ika-23 ng Pebrero ng nakaraang taon na nagsasabi na mula noong Nobyembre ng taong 2018 hanggang Enero ng nakaraang taon lamang, nagbayad ang gobyerno ng Malay ng tumataginting na P51,713,780.72 sa ECOS para sa serbisyo nito mula sa paghahakot ng basura nito, ang malaking porsyento ay nagmumula sa isla ng Boracay, at pagpapatakbo ng sanitary landfill nito sa Brgy. Kabulihan sa naturang bayan.

“Disbursements on the hauling of Solid Waste and the Management and Operations of an Eco-Tourism, Engineered Sanitary Landfill undertaken as a Public-Private Partnership (PPP) activity should have been under R.A. 9184, otherwise known as the Government Procurement Act, thus, casting doubt on the propriety, validity and correctness of the transactions,” ayon sa COA report na isinulat ni State Auditor III Merle Maglunob at State Auditor IV Loda Ocheda.

Dagdag pa ng COA, sa halip na ang munisipyo ang nagbabayad sa ECOS, dapat itong naging mas responsable sa paglalagak ng pondo sa operasyon at pagpapanatili ng nasabing mga paggawa na walang dagdag na gastos sa lokal na pamahalaan.

“PPP should have been a tool to minimize government spending. It should address the limited funding resources for local infrastructure or development projects for the LGU thereby allowing the allocation of public funds for other local priorities,” ayon pa sa COA report.

Dagdag pa nito, ang mga pagkakagastusang katulad nito ay ipinapalabas ng LGU na isang “simpleng gastusin para sa mga serbisyo at dahil doon ay dapat tumalima sa mga isinasaad ng Revised Rules and Regulations ng R.A. 9184,” isang mahalagang probisyon na ayon sa nagrireklamo ay nilabag ng mga partido sa kasunduan.

ANG MGA KASO
Bukod sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 6713), kinasuhan din ang mga akusado ng Plunder (RA 7080) at paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act kagaya ng Clean Water Act (RA 9275), at ng Toxic and Hazardous Wastes Law (RA 6969).

Sinabi ni Cabobos na bukod dito, ang mga akusadong opisyales at empleyado ay lumabag din sa Code of Conduct of Public Officials and Employees (RA 6173), kalakip na ang sarili nitong Ordinansa–ang Malay Municipal Ordinance No. 295, na mas kilala bilang “An Ordinance Adopting Guidelines and Procedures for Entering into Public-Private Partnership Agreements with the Municipality of Malay.”

Ang tambak na mga dokumento na inilakip bilang ibidensya sa kasong isinampa laban sa mga akusado noong ito ay isinampa sa Ombudsman-Visayas Satellite Office in Iloilo City

ANG SABWATAN
Sa pagsasampa ng kaso, sinabi ni Cabobos na di-maipagkakaila na nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga inakusahang mga opisyales, empleyado ng munisipyo, at ng kumpanyang ECOS gamit ang posisyon at impluwensya ng nauna para ilegal na kumita ng pera sa kawalan ng gobyerno, mamamayan ng Malay, at mga turista sa isla ng Boracay.

Dagdag pa niya na tumanggap ng lagay o kickbacks ang mga nasambit na opisyales sa pagpapasa ng ilegal at ma-anomaliyang kasunduan na, ayon sa kanya, ay sapat upang akusahan sila ng plunder dahil ito ay umabot na sa kabuuang halaga na higit pa sa P100-milyong piso.

WALANG BISANG KONTRATA
Sa pagsasama naman sa mga kasalukuyang mga opisyales ng Malay sa pangunguna ni Acting Mayor Frolibar Bautista sa kaso, sinabi ni Cabobos na ginawa nya ito dahil sa patuloy na pagpayag ng mga ito sa kwini-kwestyong kasunduan.

“They must also be equally liable in the violation of various environmental laws resulting from the execution of the contract,” ani Cabobos.

Ibinahagi din ni Cabobos ang isa pang reklamo galing kay Punong Barangay Antonio Benignos ng Brgy. Dumlog noong nakaraang taon tungkol sa nakakasulasok na amoy (foul odor) na nanggagaling sa mga trucks na pagmamay-ari ng ECOS, at ang umano’y unti-unting kontaminasyon ng Malay River dahil sa operasyon ng sanitary landfill sa ilalim ng pamamalakad ng ECOS.

May iba pang mga reklamo laban dito ngunit lahat ng ito, ayon kay Cabobos, ay ipinagsawalang-bahala ng local na pamahalaan.

MGA KAHILINGAN
Sa kanyang reklamo, hiniling ni Cabobos sa Ombudsman na ideklarang “null and void” ang kontrata ng PPP sa pagitan ng dalawang panig at ang agarang pag-suspinde sa mga nasambit na mga opisyales sa pag-uumpisa ng imbestigasyon, kasama na ang pagtatanggal sa kanila sa puwesto at ang tuluyang diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno pag napatunayang nagkasala.

Dagdag pa dito, hiniling din ni Cabobos sa Ombudsman na utusan ang ECOS na ibalik ang milyones na natanggap nito mula sa munisipyo ng Malay dahil sa ilegal na kasunduan.

Hiniling din ni Cabobos sa Ombudsman na gawing mandato sa lahat ng Punong Barangay ng Malay ang pagtatatag ng karampatang Materials Recovery Facility o MRF sa kani-kanilang barangay na naaayon na rin sa R.A. 9003

Sa karagdagang kahilingan nito sa Ombudsman, sabi ni Cabobos na dapat magpalabas din ng mandato ang Ombudsman sa DENR na pangunahan nito ang paglilinis at ang restorasyon ng Malay River at mga tributaries nito ganon din ang pagtatatag ng tunay na Sanitary Landfill sa bayan ng Malay at mga alternatibong garbage disposal system such as reduce, re-use, recycling of waste, or conversion of waste into energy or into productive materials.

Matapos magbigay ng order sa pag-file ng kani-kanilang counter-affidavits at mga batayan upang pabulaanan ang kasong isinampa sa kanila, nagpahayag ang Ombudsman na hindi nya papayagan ang anumang motions katulad ng motion to dismiss or bill of particulars, o dilatory motions katulad ng motions for extension of time, second motions for reconsideration and/or re-investigation.