Connect with us

Aklan News

EXCLUSIVE|NAITALA ANG KAUNA-UNAHANG COVID POSITIVE SA BORACAY MULA NG NAGBUKAS SA MGA TURISTA

Published

on

Isang 29-anyos na lalake na empleyado ng hotel sa Boracay Island ang nagpositibo sa COVID-19.

Ito ang kauna-unahang kaso ng COVID 19 simula nang buksan ang isla sa mga turista matapos magsara dahil sa pandemya.

Ayon sa natanggap na impormasyon ng Radyo Todo mula sa Health Authorities, siya ay nagtatrabaho sa isang hotel sa Balabag at may staff house sa Yapak.

Umuwi ito sa bayan ng Lezo nang mag day-off noong nakaraang December 14.

Bumalik ito sa Boracay noong December 15 at pumasok sa trabaho.

Pagkalipas ng dalawang araw, unti-unti na siyang nakaramdam ng sintomas ng COVID-19 lalo na ang pananakit ng lalamunan.

Nagdesisyon ang management ng hotel na isailalim muna siya sa in-house Antigen test at ito ay nagpositibo.

Dahil dito ay isinaillaim din kaagad sa Antigen test ang 6 pa niyang kasamahan sa staff house kung saan puro negative naman ang result.

Kaagad na ipinaalam ito sa Malay IATF at kinuha din agad sya sa kanilang staff house at dinala sa quarantine facility ng Malay sa mainland at doon kinunan ng swab sample.

Linggo ng gabi, lumabas ang RT-PCR result nito na positibo sa Covid 19.

Kaagad na nagsagawa ng contact tracing ang Malay Task Force at napag-alaman na wala naitong ibang pinuntahan sa isla maliban sa Hotel at Staff House.

Ngayong araw ay nakatakdang i-swab para sa RT-PCR test ang mga kasamahan nito sa staff house.

Samantala, napag alaman na kaagad na nagsagawa ng dis-infection sa pinagtatrabahuhan nitong hotel at patuloy na bukas para sa mga turista.

Pinaniniwalaan ng mga health authorites ng Malay na posibleng sa kanilang Brgy sa Lezo nakuha ng empleyado ang virus dahil meron din ditong nagpositive sa Covid noong December 11 na nahawaan naman ng taga Kalibo.

Pinawi din ng mga otoridad ang pangamba ng publiko dahil malayong galing ito sa turista at kakaunti lang ang mga may closed contact sa kanya.