National News
LIBRENG JOURNALISM AT TV REPORTING TUTORIALS, INILUNSAD NG PREMYADONG JOURNALIST NA SI KARA DAVID
Inanusyo sa kaniyang Twitter account ng beteranang journalist na si Kara David na magsasagawa siya ng libreng tutorials tungkol sa journalism at television scriptwriting.
Sa katunayan, mapapanood na sa YouTube ang unang tutorial ni Kara, kung saan tinalakay niya ang batayan ng pagsusulat para sa telebisyon.
Nais ng batikang mamamahayag na makatulong sa mga estudyante ng komunikasyon at mga nangagarap na maging TV journalists.
Ayon kay Kara, ang video ay naunang ginawa para sa mga teacher broadcasters ng Department of Education. Kalaunan ay naisip niyang makatutulong rin ito sa mga mag-aaral at aspiring journalists, kung kaya’t napagpasyahan niyang baguhin at ayusin ito.
Maliban sa pagiging journalist sa loob ng dalawang dekada, tatlong taon na ring nagtuturo ng journalism sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman ang premyadong mamamahayag.
Ayon kay Kara, “Note that these tips are based on my 20 years experience on television. They are not supposed to be the standard for all TV writing.”