International News
Thai woman, senentensyahan ng 43 taong pagkakabilanggo matapos insultuhin ang Royal Family sa Thailand
Thailand – PINATAWAN ng hukuman ng Thailand ng 43 taong sentensya ng pagkabilanggo ang 65 taong gulang Thai woman na si Anchan Preelert, matapos magpost ng nakaka-insulto na ‘content’ sa royal family.
Ayon kay Atty. Pawinee Chumsri, Thai Lawyers for Human Rights group, abogado ni Preelert, napatunayang guilty si Preelert sa 29 na magkakahiwalay na violations sa pagse-share at pagpopost ng mga video clips sa Youtube at Facebook sa pagitan ng taong 2014 at 2015.
Dagdag pa ni Atty. Chumsri, una nang pinatawan ng 87 taong pagkakabilanggo si Preelert subalit ibinaba ito sa 43 taong dahil inamin nito ang kanyang paglabag.
Ito ay kaugnay sa kanyang pagpuna sa royal family na labag sa batas ng Thailand na tinatawag na ‘lese majeste’ na nangangahulugang ‘to do wrong to majesty’.
Base sa Thailand penal code section 11, ang sinumang manira, uminsulto o magbanta sa hari, reyna o sa royal family ay papatawan ng tatlo hanggang 15 taong pagkakabilanggo sa bawat paglabag na magagawa.
Ito ang kauna-unahang pinakamatagal na sintensyang pinataw ng korte para sa “lese majeste” case.