National News
MGA LABORATORYO SA MAYNILA, KAYANG MAG-PROSESO NG 8,000 SALIVA COVID TEST SA ISANG ARAW AYON SA PH RED CROSS
Idineklara ng Philippine Red Cross (PRC) na ang kanilang mga molecular laboratories sa Mandaluyong at Port Area sa Maynila ay kayang mag-proseso ng 8,000 na saliva COVID test sa isang araw.
Ang mas mura at less intrusive na COVID-19 test ay ilulunsad ngayon araw at nakatakdang i-roll out sa mga pamprobinsiyang laboratory sa susunod na buwan, ayon kay Dr. Paulyn Ubial, hepe ng PRC molecular laboratories.
“We have 10 provincial laboratories. Ine-expect po namin na kakayanin magtest doon ng 22,000, so nationwide we can test 30,000 a day,” sabi niya sa isang panayam.
“Dadalhin na sa probinsiya ‘yan. By February 5, kumpleto na sa buong Pilipinas, lahat may saliva test na,” pahayag naman ni PRC chairman Sen. Richard Gordon.
Ang saliva COVID test any nagkakahalaga ng Php2,000 na maaari pang maging mura kung mas marami ang dami ng sample na susuriin.
Ayon sa PRC, kailangan lamang na magdeposito ng laway ang isang tao sa malinis na vial at matapos ang tatlong oras ay malalaman na ang resulta.
Maaari umanong magpa-book sa book.redcross1158.com ang mga nais mag-avail ng serbisyong ito ng PRC.
Pinaalalahanan ni PRC chairman Sen. Richard Gordon ang mga magpapasuri gamit ang saliva COVID test na huwag munang kumain, uminom, magmumog, magsigarilyo, o mag-vape nang 30 minuto bago kuhanan ng saliva sample.
Inudyukan naman ni Ubial ang Philippine Health Insurance Corporation na isama ang saliva RT-PCR test sa kanilang COVID-19 package.