International News
9 NA MINERO SA SUMABOG NA MINAHAN SA CHINA, PATAY; 11 NAILIGTAS
Naiahon na ang siyam na mga minerong nasawi sa pagsabog ng pinagtatrabahuhang minahan ng ginto sa Shandong Province sa China, halos dalawang lingo na ang nakararaan. Umakyat na sa sampu ang kabuuang bilang ng mga namatay nang pumanaw nitong Huwebes ang naunang naiahong minero matapos nitong ma-comatose.
Labing-isa naman ang nailigtas habang isa ang nawawala pa. Nangyari ang pagsabog noong Enero 10, 2021. Tinatayang nasa 70 tonelada ang debris na bumagsak sa naturang minahan. Napinsala nito ang elevator, dahilan upang ma-sukol ang mga manggagawa sa loob.
Naghukay ng butas ang ang mga rescuers upang doon ipadaan ang pagkain para sa mga na-trap sa loob ng minahan. Sa nasabing butas na rin iniahon ng mga rescuers ang mga minero.
Ayon sa alkalde ng Yantai City na si Chen Fei, hindi ititigil ang search operations hangga’t hindi nakikita ang isa pang nawawalang minero.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang mga namamahala ng minahan sa hindi agad pagrereport ng insidente, habang patuloy naman ang imbestigasyon sa tunay na dahilan ng pagsabog.