Connect with us

National News

METRO MANILA, HANDA NA SA COVID VACCINE ROLLOUT AYON SA MMDA

Published

on

vaccine rollout
larawan mula sa gulfnews.com

Idineklara ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager na handa na ang mga lungsod sa Metro Manila para sa rollout ng mga bakuna kontra COVID.  Ito ay mas maaga ng isang buwan sa inaasahang pagdating ng unang batch ng COVID vaccine.

Binitawan ni MMDA GM Jojo Garcia ang pahayag matapos ang virtual meeting ng mga Metro Manila Metro Manila mayors sa mga opisyales ng IATF.  Napag-diskusyunan sa nasabing pagpupulong ang mga plano para sa immunization program kabilang na ang pagtutukoy ng mga cold storage na pag-iimbakan ng bakuna,  sino-sino ang mga aatasang magbabakuna, at ang paghahanda ng listahan ng mga babakunahan.

“I think handang-handa na. Sabi nga kanina sa Pasig kay Mayor Vico e, nung nagpresent sila, sabi niya, vaccine nalang kulang, tatakbo na. Meaning, handa talaga,” ani Garcia.

Ipinarating rin ni Garcia sa naturang pagupulong ang pagtitiyak ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na darating ang unang batch ng bakuna bago matapos ang buwan ng Pebrero subalit hindi pa tukoy ang bilang ng mga ito.  Hindi niya rin ibinahagi kung anong particular na bakuna ang darating.

Bibisita ang National Task Force against COVID-19 sa lahat ng mga lungsod sa Metro Manila upang siyasatin ang kanilang kahandaan sa pag-rollout ng mga bakuna.  Napuntahan na ng NTF ang Pasig City kahapon, Martes, at ngayong araw ay nakatakda silang  bumisita sa Taguig City at Makati City.

“Lahat po ng LGUs sa (Metro) Manila pupuntahan po ‘yan to check on the preparation. We’re also going to check kung paano iha-handle. Alam naman natin sensitive ang ating vaccines. May mga temperature ‘yan,” sabi ni Garcia.

“Hopefully matapos namin this week or next week,” dagdag pa nya.

Tiniyak naman ng DILG na tutulong ang mga kawani ng Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, at ng Bureau of Fire Protection sa immunization program ng mga local government units.