National News
‘GET BIGGER CARS’: LTO-NCR Director, HUMINGI NG TAWAD MATAPOS MAGVIRAL ANG KANYANG PAYO PARA SA MGA MAGULANG NG MATATANGKAD NA BATA
Nagpalabas ng apology statement si LTO-National Capital Region director Clarence Guinto matapos magviral sa social media ang kanyang mga pahayag na nagpapayo sa mga magulang ng matatangkad na bata na bumili ng mas malaking sasakyan.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Guinto na humihingi siya ng tawad dahil sa kalituhang dulot ng kanyang mga sinabi sa isang panayam kahapon ng Lunes.
“I am sorry for the confusion I have caused with my remark, which was made in jest. I realized now that it was inappropriate,” pahayag ni Guinto.
Sa nasabing panayam, tinanong si Guinto tungkol sa mga agam agam na ang mga matatanggkad na batang gagamit ng booster car seats alinsunod sa Car Seat Law ay maaaring mas mapahamak dahil tatama ang ulo nila sa bubong ng sasakyan.
“Siguro, Ma’am, laki-lakihan mo ang sasakyan,” sagot ni Guinto.
Nag-viral sa social media ang nasabing panayam at kung saan sari-saring mga komento ang mga ipi-nost ng mga netizens tungkol umano sa “lack of common sense” ng polisiya ng LTO.
Ayon sa Republic Act No. 11229 o Car Seat Law na ipatutupad na ngayong araw, kinakailangang i-secure ng mga drayber gamit ang restraint system ang mga batang pasahero edad 12 taon pababa. Kung ang bata ay may taas na 4.92 feet tall, hindi na kailangan ang mga car seat, bagkus at maaari na lamang silang suotan ng seat belt.
“To clarify, if the child is above 4’11, the child is exempted from using a child car seat under the law and may be secured using the regular seat belt,” sabi ni Guinto sa kanyang apology statement.
Base sa implementing rules ng nasabing batas, ang mga lalabag ay magmumulta ng Php1,000 sa unang paglabag atPhp2,000 sa ikalawa. Para sa ikatlo at mga susunod pang paglabag, magmumulta ng Php5,000 ang drayber na may kasamang suspension ng lisensya sa loob ng isang taon.