Connect with us

Aklan News

LASING NA NAGWALA, TINIRA NG INDIAN PANA

Published

on

Kalibo – Sugatan ang isang lasing matapos umanong tirahin ng Indian Pana kaninang pasado alas 12:00 ng hatinggabi sa Andagao, Kalibo. Nakilala ang biktimang si Loubert Villanueva, 27 anyos ng nasabing lugar.

Base sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, sinugod ng biktima at mismong ama nitong si Robert Villanueva ang grupo ng mga nag-iinuman sa bahay ni Danrave Cuales.

Armado umano ang mga ito ng patalim, nang pasukin nila ang bahay at pinagkakalat ang mga gamit doon rason na nagpulasan ang grupo, at sumakay ng traysikel upang ireport sana sa Kalibo PNP Station ang insidente.

Tiyempo namang nakita ng grupo ang mga pulis sa bahagi ng Mabini St., kung kaya’t agad silang nakahingi ng saklolo.

Kasunod nito, rumesponde ang mga pulis at naabutan si Loubert na may nakatusok pang Indian pana sa kanang dibdib. Salaysay naman nito sa mga pulis, galing umano sa grupo ng mga nag-iinuman ang Indian pana na ipinangtira sa kanya.

Kaagad naman siyang dinala sa ospital, subalit nagwala at tumangging magpa admit doon, rason na kinuha siya ng mga pulis sa ospital at ipinasok sa kulungan, matapos gamutin ang kanyang sugat.

Samantala, ikinustodiya rin sa Kalibo PNP station ang grupo ng mga nag-iinuman para sa karampatang disposisyon, subalit itinanggi nila na sila ang pumana sa biktima.

Paliwanag naman ng isa sa kanila, niyaya umano nila ang biktima sa kanilang inuman para samahan sila nito para bumili pa ng alak, subalit hindi umano ito pinayagan ng asawa.

Kinalaunan, dumating umano ang biktima at ang kanyang ama na may dalang patalim, at doon na nagwala sa nasabing bahay.

Matapos maaresto ng mga pulis, pansamantala rin siyang ikinulong sa Kalibo PNP Station para sa karampatang disposisyon.