Connect with us

Aklan News

DRIVER NG SUSPEK SA PAMAMARIL KAGABI SA ISANG NEGOSYANTE, NASA KUSTODIYA NA NG KALIBO PNP

Published

on

Nasa kustodiya na ngayon ng Kalibo PNP ang driver ng suspek sa tangkang panghohold-ap at pamamaril kagabi sa isang negosyante sa Estancia, Kalibo.

Nakilala ang suspek (driver) na si John Peter Quinicio, 29 anyos ng Camanci Norte, Numancia.

Sa panayam ng Radyo Todo, positibong kinilala ni Quinicio ang mismong gunman na kanya palang stepson, na si Randy Ventura, sa legal na edad na taga Jaena Sur, Jamindan, Capiz.

Ayon pa kay Quinicio, nagpasundo umano sa kanya ang kanyang Ventura na kanya namang dinala sa kanilang bahay sa Camanci, Norte at doon tumagay bandang alas 5:00 ng hapon.

Kinalaunan, niyaya umano siya nito na pumunta sa Estancia sa hindi nalamang dahilan.

Pagdating sa Estancia, bumaba umano si Ventura at dumeretso sa loob ng tindahan ng biktimang si Eduard Alvarez, kung saan nakarinig umano siya ng putok ng baril.

Pagkatapos nito, tumakbo umano si Ventura sa kanya at sumakay ng motorsiklo, at tumakas papuntang Tinigaw, at dumaan sa Mobo pauwi sa Camanci, Norte.

Samantala, sinabi pa ni Quinicio na naroon pa ito sa kanilang bahay pag-alis niya papuntang Banga para kumuha ng baboy, subalit wala na ito doon pagbalik niya bandang alas 9:00 kaninang umaga.

Iginiit din nito na wala siyang kinalaman sa ginawang nitong krimen, kung saan kusa din umano itong sumama sa mga naghahanap na pulis.

Pansamantala naman siyang ikinustodiya sa Kalibo PNP Station para sa karampatang disposisyon, habang patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang gun man na si Ventura.

Napag-alamang person of interest ng Kalibo PNP si Quinicio, dahil sa pagbabanta umano nito sa biktimang si Alvarez, na naging amo nito ng dalawang buwan sa kanyang water station.