Tech
SpaceX ni Elon Musk, planong magpadala ng “all-civillian” mission para umikot sa Earth
Inanunsyo ng SpaceX , ang kumpaniyang itinatag ni Elon Musk, ang balak nitong maglunsad ng kauna-unahang all-civilian mission para umikot sa planetang Earth ngayong taon.
Ang tatlong araw na paglalakbay sa kalawakan ay pangungunahan ni Jared Isaacman na isang tech billionaire, kasama ang tatlong baguhang astronauts. Nais din umano ni Isaacman na ipa-raffle ang isang pagkakataong makasama sa biyahe papuntang orbit ng mundo.
Ayon sa website ng nasabing misyon, “It’s a once-in-a-lifetime adventure: a journey into outer space on the first all-civilian space flight.”
Sa pahayag ng SpaceX, si Isaacman “(will be) donating the three seats alongside him… to individuals from the general public who will be announced in the weeks ahead.”
Isa sa tatlong upuan ay ilalaan para sa isang empleyado ng St. Jude Children’s Research Hospital ng Estados Unidos, na ang pangunahing pasyente ay yaong may childhood cancers at pediatric diseases.
Ang pangalawang upuan naman ay ang siyang ipara-raffle. Hinihikayat din ang mga sasali sa raffle na magbigay ng donasyon sa nasabing ospital.
Para sa ikatlong upuan, pipili ang isang lupon ng mga huradong binubuo ng mga negosyanteng gumagamit ng Shift4 Payments, ang ecommerce tool mula sa kumpaniya ni Isaacman.
Ang tatlong papalarin ay sasailalim sa isang “commercial astronaut training by SpaceX on the Falcon 9 launch vehicle and Dragon spacecraft, as well as orbital mechanics and stress testing, including operating in micro- or zero gravity,” ayon sa opisyal na pahayag ng nasabing misyon.
Dagdag pa ng kumpaniya, “launch of the Dragon spacecraft is being targeted for no earlier than the fourth quarter of this year.”
Sa nasabing all-civilian mission, ang bawat astronaut ay bibigyan ng pagkakataong makapa-orbit sa Earth kada 90 minuto.
Pagkatapos ng misyon, babalik sa mundo ang spacecraft sa paraang water landing sa karagatan ng Florida.