Facts & Trivia
KASARIAN NG BABY, NAKADEPENDE SA GENES NG TATAY
Maaari mo na raw matukoy kung magiging babae o lalaki ang sanggol sa sinapupunan ng nanay base sa genes ng tatay.
Ayon sa isang pag-aaral na ginawa ng mga mananaliksik sa Newcastle University, namamana raw ng mga lalaki mula sa kanilang mga magulang ang tendency na magkaroon ng anak na babae o anak na lalaki.
Ibig sabihin, ang isang lalaki na maraming kapatid na lalaki ay may mas mataas na tsansa na magkaroon ng anak na lalaki rin. Sa kabilang banda, ang mga lalaki na maraming kapatid na babae ay may mas mataas na tsansa na magkaroon ng anak na babae.
Pinag-aralan sa nasabing research ang kasaysayan ng 927 na mga pamilya sa North Amerika at Europa. Umabot sa 556,387 katao ang kanilang pinag-aralan na ang iba ay namuhay noon pang 1600.
“The family tree study showed that whether you’re likely to have a boy or a girl is inherited. We now know that men are more likely to have sons if they have more brothers but are more likely to have daughters if they have more sisters. However, in women, you just can’t predict it,” ani Corry Gellatly, isa sa mga gumawa ng pananaliksik.
Ang kasarian ng isang sanggol ay nakadepende sa kung anong chromosome ang dala ng sperm ng kanilang tatay. Kung X chromosome ang dala ng sperm ng tatay, hahalo ito sa X chromosome din ng nanay at magiging babae ang kanilang anak (XX). Kung Y chromosome naman ang dala ng tatay, hahalo ito sa X chromosome ng nanay at magiging lalaki (XY) ang kanilang anak.
Ayon pa kay Gellatly, ang gene na nagdidikta ng kasarian ng bata ang maaaring dahilan kung bakit halos balanse ang populasyon ng mga babae at lalaki.
“The gene that is passed on from both parents, which causes some men to have more sons and some to have more daughters, may explain why we see the number of men and women roughly balanced in a population. If there are too many males in the population, for example, females will more easily find a mate, so men who have more daughters will pass on more of their genes, causing more females to be born in later generations,” ani Gellatly.