Connect with us

National News

PAGPAPABAYA NG MGA ANAK SA MAGULANG NA MATATANDA AT MAY SAKIT, NAIS GAWING KRIMEN — SEN. LAPID

Published

on

Photo: Metro News Central

ISINUSULONG ni Senador Manuel “Lito” Lapid ang isang panukala na layong gawing krimen ang pagkakait ng mga anak ng suporta sa kanilang mga magulang na matatanda, may sakit at walang kakayahan. 

Nakasaad sa Senate Bill 2061, na pagtitibayin ang tungkulin ng mga anak na alagaan ang kanilang magulang lalo na kung matatanda at may sakit na nasa edad 60-anyos pataas.

“Nakakalungkot isipin na ang mga magulang na nagpakapagod noong panahong malakas pa sila para masuportahan ang kanilang mga anak, ay kaya na lamang tiisin at abandunahin sa panahong matanda na sila,” lahad ni Lapid.

“Huwag sana nating makalimutan na hindi naman nagkulang ang mga magulang na ito sa pagsuporta sa kanilang mga anak kaya dapat lang na siguruhin ng ating gobyerno sa pamamagitan ng panukalang isinusulong ko, na masuklian man lang ang mga pagsasakripisyo ng mga magulang sa oras na sila ay matanda at mahina na,” paliwanag pa ng senador.

Sa ilalim ng panukala, maaring maghain ng reklamo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga may edad na magulang laban sa kanilang mga anak na magkakait ng suporta sa kanila.

“Kung ang mga magulang ay pwede parusahan ng pang-aabuso sa mga bata oras na hindi nila nagampanan ang kanilang tungkulin na magbigay ng pangunahing pangangailangan ng kanilang mga anak gaya ng pagkain, tirahan at pagpapagamot, dapat parehas na proteksyon din ang ibigay sa mga magulang oras na tumanda na sila,” saad ni Lapid.

Ang mga anak na lalabag sa batas ay mahaharap sa parusa na arresto menor [minimum] at arresto mayor [maximum]. 

Papatawan din ng multa na maaaring umabot sa halagang P200,000 hanggang P500,000, o nasa kautusan ng korte, ang sinumang mapapatunayan na magpapabaya sa kanilang magulang.