International News
MISTERYOSONG JAPANESE MAN, BIGLANG NAGLAHO MATAPOS MAMIGAY NG TIG 10 MILYON YEN SA ILANG PAARALAN
Naglaho na parang bula ang isang matandang lalaking Japanese na bumisita sa tatlong paaralan sa Japan at namahagi ng tig 10 milyong yen ng hindi nagpapakilala.
Pinaniniwalang nasa edad 70 anyos ang lalaki na nakipag-usap sa staff ng paaralan at nag-abot ng bag na puno ng cash na nagsabing, “Please use this for the children” bago umalis ayon sa Nara City board of education nitong February 25.
Sinubukan pa umano ng mga staff na habulin ang matanda pero hindi na nila ito nakita.
Tatlong paaralan sa Nara City ang nakatanggap ng donasyon mula sa lalaki, ito ang Municipal Saibi Elementary School, Kasuga Naka at Ichijo High School.
Ayon sa board of education, gagamitin ang pondo para sa mga educational activities sa paaralan.
Walang nakakaalam kung sino ang misteryosong matanda, pero hindi umano ito ang unang kaso ng anonymous donations sa mga paaralan sa Nara City.
Katunayan, nitong Disyembre, isang matanda rin ang nagbigay ng 30 milyon yen na nakalagay sa plastic bag para sa coronavirus prevention measures.
Hinala ng board of education, mula rin sa matanda ang mga bagong donasyon.