Facts & Trivia
ISA PANG PINK SUPERMOON, MAGPAPAKITA NGAYONG ABRIL
Isa na namang pink supermoon ang nakatakdang magpakita sa huling bahagi ng buwan ng Abril, halos isang taon lang ang nakalilipas nang huli itong mangyari.
Ayon sa The Old Farmer’s Almanac, ang full pink moon ay makikita sa dapithapon ng Abril 26. Maaabot nito ang “peak illumination” nang 11:30 ng gabi, Eastern Daylight Time. Makikita pa umano ang full pink moon hanggang kinabukasan.
Pinayuhan ng almanac ang mga nagnanais na makita ang nasabing buwan sa pinakamaganda nitong anyo na pumwesto sa isang open area at abangan ang bahagyang pag-akyat nito sa horizon. Ito umano ang panahon kung saan magiging pinakamalaki ang buwan at magkukulay ginto.
Sa mga umaasa na makakakita ng kulay-bubblegum-pink na buwan, huwag daw gawing literal ang “pink” na pagkakalarawan sa buwan.
“This ‘Super Pink Moon’ won’t actually look ‘super pink’ — or any hue of pink, really,” ayon pa sa The Old Farmer’s Almanac.
“The Moon will be its usual golden color near the horizon and fade to a bright white as it glides overhead!”
Ang supermoon ay resulta ng pagkakatapat ng full moon sa perigee, o ang pagdaan ng buwan sa parte ng orbit na pinakamalapit sa mundo.
Dahil dito, hindi lamang buo ang buwan, kundi magiging mas maliwanag ito at magmumukhang malapit sa atin.
Karaniwang mas malaki ang supermoon nang 7 porsyento, at 15 porsyento namang mas maliwanag.
Ang bawat buwan ng taon ay mayroong isang full moon na nagaganap tuwing 27.5 araw. Mayroon din palayaw ang bawat full moon.
Habang ang tawag sa full moon sa Abril ay pink moon, strawberry moon naman ang bansag sa Hulyo. Samantala, sturgeon moon ang tawag sa fool moon ng Agosto.
Bawat bansag ay naaayon sa panahon at ang tradisyong ng pagpapangalang ito ay nagmula pa sa mga Native Americans.
Ang flower moon na full moon sa Mayo ay pinangalan sa panahon na natutunaw na ang mga nyebe at namumumlaklak na ang mga halaman.
Ang full moon ng Abril ang unang supermoon ng taon na ito at ang susunod ay mangyayari sa Mayo 26. Tinatawag itong super flower moon.