Capiz News
Full rental increase sa mga stall sa Teodoro Arcenas Trade Center hindi muna ipatutupad
Hindi muna ipatutupad ang buong rental increase sa mga stall sa Teodoro Arcenas Trade Center (TATC) kasunod ng moratorium na inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod nitong Martes.
Ayon kay Konsehal Gary Potato, Chairman Committe on Laws and Ordinances, Enero sana ng taong ito ipatutupad ang pagtaas sa singil sa renta ng lahat ng stall sa naturang pamilihan.
Pero dahil aniya sa epekto ng pandemiya sa mga negosyante sa lungsod, napagdesisyonan umano ni Mayor Ronnie Dadivas na hindi muna ipatutupad ang buong rental increase.
Inaprobahan ng Sanggunian ang moraturiom sa full implementation ng ordinansa at sa halip ay kalahati nalang muna ang itaas sa singil sa renta batay narin sa kahilingan ng ilang mga stall owners.
Halimbawa, ang dapat sanang dalawang piso na increase sa rental rate ng posterior ng palengke bawat square meter ngayon ay piso nalang kaya mula sa rate na Php6 per square meter ay Php7 nalang ang babayaran ng stall owner sa halip na Php8.
Ang takda sanang pagtaas sa singil sa renta ay batay sa revised local revenue code ng lungsod na inaprobahan ng Sangguniang Panglungsod noong nakaraang taon.
Nabatid na nasa 10 taon na na hindi nabago ang rate sa TATC at ayon kay Atty. Potato, ang singil sa renta sa mga stall dito ay mababa kumpara sa ibang mga palengke sa buong probinsiya.