Capiz News
Tric drivers sa Roxas City pwedeng umutang ng up to Php10k; interes babayaran ng City gov’t
Plano ng isang microfinance foundation na magpautang ng hanggang Php10,000 emergency loan sa mga tricycle driver sa Roxas City kung saan ang interes ay babayaran ng pamahalaang lokal ng syudad.
Kaugnay rito nais ni Mayor Ronnie Dadivas na pumasok sa isang kasunduan o Memorandum of Agreement sa GRF Hublag Microfinance Foundation Inc.
Sa regular session ng Sanggunian nitong Martes, sinabi ni Konsehal Ivan Baticados, chairman ng Commitee on Laws, na kapag naaprubahan maaaring makautang ng hanggang Php10,000 ang isang tricycle at ang Roxas City government na ang bahala sa interes.
Bagaman sang-ayon sa nasabing plano si Konsehal Midelo Ocampo, ipinag-aalala nito na baka may mga tricycle driver na hindi mapili at magreklamo ang mga ito na mayroong pamulitika rito.
Iminungkahi naman ni Konsehal Moring Gonzaga na irefer muna sa komitiba ang nasabing panukala para mapag-aralang mabuti bagaman sang-ayon din ito sa magandang layunin nito.
Dahil rito, ang kahilingan ng alkalde ay pag-aaralan pa ng Commitee on Utilities and Commitee on Laws, Rules and Regulations ng Roxas City Council.
Nakatakdang magpatawag ang joint committee ng isang pagdinig kung saan ipapatawag ng mga ito si Dr. Bryan Mari Argos, Tourism Officer ng lungsod na itinalaga ng alkalde para magbigay detalye kaugnay sa nasabing panukala.