Aklan News
DAHIL MADALAS PAGSABIHANG ‘WALANG SILBI’, 27 ANYOS NA MISTER NAGBIGTI-PATAY
Nagbigti-patay kagabi ang isang 27 anyos na mister sa isang barangay sa bayan ng Malinao dahil madalas umano pagsabihang walang silbi ng kanyang misis.
Ayon sa pinsan ng biktima, nakipag-inuman pa ito kagabi dakong alas 6:00 kagabi bago umuwi pasado alas 10:00 kagabi sa bahay ng kanilang magulang.
May tinatayang halos 20 minuto ang nakalipas, nagulat na lamang umano sila nang sumigaw ang mismong ina ng biktima, kung kaya’t kaagad nilang tiningnan ang nangyari.
Doon nila natunghayang nakabigti sa trusses ng bahay ang biktima.
Kaagad naman nila itong tinanggal sa pagkakabigti subali’t hindi na naisugod sa ospital dahil isa na umano itong malamig na bangkay.
Samantala, nabatid na pauli’t-ulit na nagsusumbong sa kanyang pamilya si mister at nagtatanong kung talaga nga bang wala siyang kuwentang tao.
Subali’t kaagad naman umano nila itong inaalo at pinatatatag ang loob.
Maliban dito, ilang beses na rin umanong sinasabi na ‘andiyan lang naman ang tali sa aking motor, na siya namang ikinababahala ng kanyang pamilya.
Nabatid na 2 linggo na ang nakalilipas nang pinalayas ni misis ang kanyang mister sa kanilang bahay sa Madalag, kung kaya’t sa bahay ng kanyang mga magulang na lamang siya ngayon nakatira.
Tumanggi naman ang kanyang pamilya na idetalye pa ang dahilan ng pag-aaway ng mag-asawa.
NOTE:
Ang lahat ng problema may solusyon. Kung ikaw ay may problema at gusto mo ng kausap, tumawag lamang sa HOPE hotline ng DOH-Center for Health Development sa Western Visayas sa numero.
*1-800-10-333-8336
*0998-532-4047
*0917-775-9256
*0925-546-9919