Capiz News
Basketball court sa Brgy. Tiza, Roxas City, Capiz nagtrending sa social media
Nagtrending ang basketball court na ito sa Brgy. Tiza, Roxas City, Capiz matapos maipost sa Facebook.
Makikita na sa gitna lang ang nasemento na nag-uugnay sa magkabilang basketball ring.
Sa kaniyang Facebook post na may litrato ng nasabing basketball court pabirong sinabi ni Provincial Administrator Edwin Monares na “Ito ang design ng bagong court ng basketball ng mga millenials ngayon. Maybe this is designed for many purposes.”
Tinag niya sa post nitong Biyernes ang ilang opisyal at nilagyan ng hashtag na #onlyinroxascity.
Umani ito ng nakatutuwang reaksiyon at mga komento sa mga netizen. Marami rin ang nagshare sa nasabing post.
Napag-alaman na ito ay proyekto ng Sangguniang Kabataan ng barangay sa pangunguna ni SK Chairman Dennis Andrei Obera na ayon sa kaniya ay hindi pa natatapos ang pagpapagawa dahil sa kakulangan ng pondo.
Okay lang sa kaniya na ibinahagi sa Facebook ang kanilang court. Aniya, inuunti-unti lamang nila ang pagpapagawa rito sa pamamagitan ng paghingi ng donasyon sa mga opisyal ng gobyerno.
Ikinatuwa naman ng opisyal ng kabataan na magbibigay ng tulong ang gobyerno probinsyal sa pagpapagawa ng court.