Aklan News
MGA MANGINGISDANG NAIULAT NA NAWAWALA, 3 NAKABALIK NA, 3 PINAGHAHANAP PA
Anim na mangingisda ang naiulat na nawawala simula nang pumalaot umano ang mga ito bandang alas 3:30 ng madaling araw kanina, Hunyo 2, 2021.
Nakilala ang mga mangingisdang sina Russel Valeriano, 46 anyos; Renato Ablen, 15 anyos; Eugen Borris, 26 anyos, at Allan Paroginog, na pare-parehong taga Alimbo, Baybay, Nabas, at ang mag-live in partner na sina Roiland Estoya, at Aiza Bautista, ng Buenasuerte, Nabas.
Base sa inisyal na report, nabatid na iisang bangka ang sinakyan nina Valeriano, Ablen, at Borris, habang mag-isa naman sa kanyang bangka si Paroginog, at magkasama naman sa isang bangka ang mag-partner na sina Estoya at Bautista, nang pumalaot ang mga ito sa kabila ng masungit na panahon dahil sa bagyong Dante.
Nabatid na nasiraan umano ng bangka sina Valeriano kung kaya’t nagpatulong ang mga ito kay Paroginog hanggang sa magkahiwalay sila bandang alas 11:00 ng tanghali.
Naayos naman ni Valeriano ang kanilang bangka kung kaya’t mapalad silang nakabalik nina Ablen at Borris bandang alas 5:00 kaninang hapon, habang wala pa ring balita kay Paroginog na pinaniniwalaan umanong naubusan ng gasolina.
Patuloy pa rin ang paghahanap sa kaniya ng mga kinauukulan, gayundin kina Roiland Estoya at Aiza Bautista.
(This is a developing story.)