Connect with us

Aklan News

PUNONG BARANGAY NG SAMBIRAY AT BALABAG, KINASUHAN DAHIL SA MASS GATHERING VIOLATION

Published

on

sec. ano

Napasama ang kapitan ng Sambiray at Balabag, Malay sa anim (6) na punong barangay sa bansa na kinasuhan ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa kabiguang maipatupad ang regulasyon ukol sa mga “super-spreader” events.

“Sa inyo pong pag-uutos na kasuhan natin ang mga barangay officials, anim po ang nakita natin dito at nakasuhan,’’ pahayag ni Interior Secretary Eduardo Año sa isang televised meeting kasama si Pangulong Rodrigo Duterte Lunes ng gabi, June 7.

Sinabi ni Año na naiugnay ang mga opisyal sa mga magkahiwalay na mass gathering activities sa kanilang mga lugar.

Kasama dito ang Gubat sa Ciudad incident sa Barangay 171, Caloocan City; recreational and resort operations sa San Jose, Navotas City; boksing sa Barangay 181 at 182 sa Tondo, Manila; Bakas River event sa Barangay Matiktik, Norzagaray, Bulacan; Barangay Balabag, Boracay Island at Barangay Sambiray, Malay, Aklan; at Club Holic Bar and Restaurant, Barangay Kamputhaw, Cebu City.

Ipinahayag rin ni Año sa kanyang report na umabot sa 50,021 ang mga face mask violators na nairekord mula May 31 hanggang June 6.

Sa nasabing bilang, 28,087 ang may warning, 17,395 ang minultahan, 3,413 ang nag community service at 1,126 ang naaresto.

“Ayon sa nakalap ng ating Philippine National Police (PNP), tumaas ang mga nahuling hindi nagsusuot ng face mask,’’ saad pa ni Año.

Kaugnay nito, 613 naman ang mga may bayolasyon sa mass gathering events, kung saan 579 ang may warning, 28 ang minultahan, at 6 ang nag community service.

Sa physical distancing violation naman, 13,882 ang naiulat, 1,055 ang may warning, 1,880 minultahan, 325 ang nag community service at 622 ang naaresto.