Aklan News
CONG. PAOLO DUTERTE, NAGLAAN NG 10M PESOS SA AKLAN PROVINCIAL HOSPITAL
KINUMPIRMA ni Davao City Congressman Paolo Duterte na naideposit na sa account ng Aklan Provincial Hospital ang 10 Million pesos na tulong ng opisina nya para sa billings ng mga mahihirap na pasyente.
“Ok na po ang Aklan 10M – Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital”, text ni Cong. Duterte kay Todo Media Owner Jonathan Cabrera.
Ayon kay Duterte, ang pera ay bahagi ng budget ng Department of Health at kanyang nirequest na ibigay sa Aklan.
“Tumulong lang po tayo para mafacilitate ng DOH. Pera po yan ng taumbayan”, paglilinaw nya.
Maalalang nagkita sina Duterte at Cabrera sa Boracay noong nakaraang buwan ng Mayo kung saan hiniling ni Cabrera sa kanya ang tulong para sa mga bayarin ng mga pasyente na nako-confine sa Aklan Provincial Hospital.
Kaagad naman itong inaprobahan ng kongresista at sinabing sa Davao City ay zero billing sa paglabas ang mga naoospital.
“Maliit na halaga lang yan. Pero sana makatulong sa mga mahihirap na mamamayan sa Aklan”, mapagpakumbabang saad pa nito.
Nauna nang nagparating ng kagalakan at pasasalamat si Aklan Governor Florencio Miraflores sa tulong na ito ng nakababatang Duterte.
Si Cong. Pulong ay regular na bumibisita sa Boracay island simula pa noong binata pa ito kung kaya’t malapit sa kanya ang ilang mga residente ng isla.