Aklan News
63% NG MGA TURISTANG NAGBAKASYON SA BORACAY MULA JUNE 1-13, GALING SA NCR
Pinangunahan ng mga bakasyunista mula sa National Capital Region (NCR) ang bilang ng may pinakamaraming tourist arrivals sa sikat na Boracay Island simula nang tumanggap ito ng bisita mula sa mga GCQ areas.
Batay sa pinakahuling tala ng Malay Tourist Office, sumampa na sa 9,066 ang mga tourist arrivals sa loob lamang ng 13 araw.
Umabot sa 5772 o 63% ng turista mula sa NCR bubble ang nailista ng Malay Tourism Office, sinundan ito ng CALABARZON na may 1,948 o 21%, 614 0 6% sa Central Luzon, 331 0 3 % Aklanon, 105 o 1% sa Central Visayas, at iba pang lugar sa bansa.
Binuksan ang Boracay sa mga turistang manggagaling sa NCR plus o (Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal) hanggang June 15 o hanggang sa manatili sa GCQ.
Ihihinto naman ito kapag muling itinaas sa MECQ ang quarantine status ayon sa Malay Tourism Office.
“If NCR+ becomes plain GCQ after June 15, it would be a continuous takeoff. If NCR+ goes up again to MECQ, it may stop leisure movements again,” bahagi ng pahayag sa opisyal na Facebook page ng Malay Tourism Office.
Gayunpaman, posibleng magtuloy-tuloy na ang pagdatingan ng mga turista hanggang June 30 dahil sa anunsyo ni Presidente Rodrigo Duterte kagabi na mananatili ang NCR sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) mula June 16-30.