National News
Bulkang Taal nasa alert level 3 pa rin; 77 na barangay na ang naapektuhan
Nananatili sa alert level 3 ang bulkang Taal, pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa kanilang 8 a.m. bulletin.
Sa nagdaang 24 oras, may naitalang 39 volcanic earthquakes, kabilang ang dalawang volcanic tremor events na nagtagal ng tatlo hanggang limang minuto, nag-karoon din ng 35 low-frequency volcanic earthquakes, at dalawang hybrid earthquakes.
Mayroong ding lumalabas na sulfur dioxide (SO2) mula sa bulkan na nag-aaverage ng 5,299 tonnes bawat araw.
Ang mataas na antas ng SO2 gas emissions at mga steam-rich plumes mula sa main crater ng Taal ay umabot ng hanggang 3,000 metro ang taas na nag-drift patungong timog at silangan.
Hindi bababa sa 77 na mga barangay ang naapektuhan ng ongoing activities ng bulkan.
Ayon sa Batangas Provincial Police Office, mayroong ng 3,788 na mga tao o 1,072 mga pamilya ang sumilong sa evacuation centers.
Kabilang sa mga bayan at lungsod na sapilitang nilikas ay, Agoncillo, Laurel, Taal, Lemery, Balete, Cuenca, Mataas na Kahoy, San Nicolas, Talisay City, at Tanauan City, batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa kanilang ulat ngayon, sinabi ng NDRRMC na may 2,565 mga tao o 709 pamilya na apektado ng Taal ay nananatili pa rin sa labas ng mga evacuation centers.
Dagdag pa ng NDRRMC, may 23 mga local government unit sa Calabarzon ang nag-suspende na ng mga klase.
Nagkakahalaga ng P1,849,765 ang nilaan na tulong para sa mga apektadong residente at hindi bababa sa 350 mga food packs at 600 mga food item ang ipinamahagi na rin, saad ng NDRRMC.
Sources: GMANews, PHIVOLCS