Connect with us

Aklan News

TOURISM WORKERS SA BORACAY, SISIMULANG BAKUNAHAN KONTRA COVID-19 NGAYONG ARAW; 17, 000 ACTIVE TOURISM WORKERS SA BORACAY, TARGET MABAKUNAHAN NGAYON BUWAN

Published

on

Umaasa si Department of Tourism (DOT) Secretary Berna Romulo-Puyat na mababakunahan ang 17, 000 active tourism workers sa Boracay sa loob ng isang buwan.
Sa presscon na ginanap nayong araw sa Paradise Garden Resort Hotel sa Boracay, sinabi ni Puyat na plano ng ahensya at lokal na pamahalaan ng Aklan na makumpleto ang pagbabakuna sa mga tourism frontliners ngayong buwan upang magtuloy-tuloy na ang muling pagbangon ng turismo sa lalawigan.
Ayon pa sa DOT Secretary, mahalagang mabakunahan ang mga tourist workers upang muling pasiglahin ang turismo at para na rin sa kaligtasan ng mga manggagawa.
“We hope to vaccinate at least 70 percent of the tourism frontliners kasi ang nature of their job is face-to-face,” ani Puyat.
Sa ngayon ay nasa 3,000 tourism workers ang target na mabakunahan ngayong linggo. Binaggit ni Puyat na ang 3,000 workers na tinukoy ng Malay LGU at private sector ay binubuo ng mga sumusunod:
–  2, 178 na empleyado ng mga accommodation establishements tulad ng hotel at resorts,
– 308 na mga nagtatrabaho sa mga restaurants,
– 140 empleyado ng mga tourist transportations, at
– 374 na mga tourism frontline personnel tulad ng mga tour guides, front desk officers, etc.
Kampante naman si Malay Mayor Frolibar Bautista na kakayanin ng Malay na mabakunahan ang 17, 000 na workers sa Boracay. Aniya, mayroong dalawang vaccination sites sa isla at isa sa mainland.  Ayon sa kanilang pagsusuri, kayang mag-accomodate ng Paradise Garden Resort Hotel ng 500 na vaccinees sa isang araw.  Gayundin umano ang Citymall Boracay.
Ang kailangang lamang ay tuloy-tuloy na supply ng bakuna.
Ayon naman kay Secretary Vince Dizon, Deputy Chief Implementer ng National Task Force Against COVID-19, bumagal umano ang dating ng mga bakuna nang ma-delay din ang delivery ng Sinovac na siyang kasalukuyang itinuturok sa mga tourism workers.
Ibinalita niya na kanina lamang umaga ay nakatanggap ng abiso ang kanyang tanggapan na may darating na dalawang milyong COVAX vaccines sa bansa ngayong Biyernes at siguradong mababahaginan ang Aklan.
Ayon sa datos kaninang alas 2 ng hapon, abot na sa 1, 833 ang nabakunahang residente sa Boracay na siyang bumubou ng 4.5 % ng kabuuang populasyon ng Boracay. Papalo pa umano ito 12 porsyento kapag mabakunahan na ang karagdagang 3, 000 na tourism workers sa isla.
Continue Reading