Connect with us

Aklan News

MECQ/ECQ SA BUONG LALAWIGAN NG AKLAN, INIREREKOMENDA NG AKLAN MEDICAL SOCIETY

Published

on

Inirerekomenda ng Aklan Medical Society (AMS), kaakibat ang Philippine College of Physicians (PCP) Capiz-Aklan Chapter na muling isailalim sa MECQ/ECQ classification ang buong lalawigan ng Aklan.

Ito ang nilalaman ng isang official statement na ipinaabot nila kay Aklan Governor Florencio Miraflores, nitong Hulyo 27, taong kasalukuyan.

Base sa rekomendasyon ng AMS at PCP Capiz-Aklan Chapter, makatutulong ito upang hindi tuluyang bumulusok ang Local Health System ng probinsya. Naninidigan silang ang hakbang na ito ay kailangang pairalin hanggang mapababa ang kasalukuyang bilang ng mga kumpirmadong kaso sa Aklan.

Matatandaang sa loob lamang ng ilang araw, patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa probinsya, base sa tala ng Aklan Provincial Health Office. Kada araw ay hindi bumababa sa 100 ang bilang ng mga nagpo-positibo.

Giit ng AMS, sa kabila ng pagpapasailalim sa GCQ with heightened restrictions, hindi naman umano nito natuldukan ang paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa probinsya.

Mabigat na pasanin ito ng mga health frontliners. Maaari rin umanong masaid ang mga resources gaya ng hospital, health facility beds, gamot, at mga mechanical ventilators kung magpapatuloy pa ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19.

Pinuna rin ng AMS at PCP Capiz-Aklan Chapter ang kabagalan ng vaccine roll-out dahil sa kakulangan ng supply ng bakuna. Kung magpapatuloy umano ito, lalo pang dadami ang bilang ng mga nagkakasakit, gayundin ang mga nasasawi .

At upang maiwasan ang lalo pang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit at nasasawi, patuloy naman umanong makikipagtulungan ang AMS at PCP Capiz-Aklan Chapter sa Provincial IATF at magkaagapay na lalabanan ang banta ng COVID-19.

Continue Reading